8 Kung hindi mo nalalaman, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae, yumaon kang sumunod sa mga bakas ng kawan, at pastulan mo ang iyong mga anak ng kambing sa siping ng mga tolda ng mga pastor.
9 Aking itinulad ka, Oh aking sinta, sa isang kabayo sa mga karo ni Faraon. 10 Pinagaganda ang iyong mga pisngi ng mga tirintas ng buhok, ang iyong leeg ng mga kuwintas na hiyas.
11 Igagawa ka namin ng mga kuwintas na ginto na may mga kabit na pilak.
12 Samantalang ang hari ay nauupo sa kaniyang dulang, ang aking nardo ay humahalimuyak ng kaniyang bango. 13 Ang aking sinta ay gaya ng bigkis ng mira sa akin, na humihilig sa pagitan ng aking mga suso. 14 Ang sinta ko ay gaya ng kumpol ng bulaklak ng alhena sa akin sa mga ubasan ng En-gadi.
15 Narito, ikaw ay maganda, sinta ko, narito, ikaw ay maganda; ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati.
16 Narito, ikaw ay maganda sinisinta ko, oo, maligaya: ang ating higaan naman ay lungtian. 17 Ang mga kilo ng ating bahay ay mga sedro, at ang kaniyang mga bubong ay mga sipres.
1 Ako'y rosa ng Saron, lila ng mga libis.
2 Kung paano ang lila sa gitna ng mga tinik, gayon ang aking pagsinta sa mga dalaga.
3 Kung paano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat, gayon ang aking sinta sa gitna ng mga anak na lalake. Ako'y nauupo sa ilalim ng kaniyang lilim na may malaking kaluguran. At ang kaniyang bunga ay naging matamis sa aking lasa. 4 Dinala niya sa bahay na may pigingan, at ang kaniyang watawat sa akin ay pagsinta. 5 Kandilihin ninyo ako ng mga pasas, aliwin ninyo ako ng mga mansanas: sapagka't ako'y may sakit na pagsinta. 6 Ang kaniyang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kaniyang kanang kamay ay yumayakap sa akin. 7 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, alangalang sa mga usang lalake at babae sa parang, na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang aking pagsinta, hanggang sa ibigin niya.