1 Mga kawikaan ni Salomon. Ang pantas na anak ay nakapagpapasaya sa ama: nguni't ang mangmang na anak ay pasan ng kaniyang ina. 2 Mga kayamanan ng kasamaan ay hindi napapakinabangan: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan. 3 Hindi titiisin ng Panginoon na magutom ang kaluluwa ng matuwid: nguni't kaniyang itinatakuwil ang nasa ng masama. 4 Siya'y nagiging dukha na gumagawa ng kamay na walang kasipagan: nguni't yumayaman ang kamay ng masipag. 5 Siyang nagtitipon sa taginit ay pantas na anak: nguni't siyang natutulog sa pagaani ay anak na kahiyahiya. 6 Mga pagpapala ay nangasa ulo ng matuwid: nguni't tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama. 7 Ang alaala sa ganap ay pinagpapala: nguni't ang pangalan ng masama ay mapaparam. 8 Ang pantas sa puso ay tatanggap ng mga utos: nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal. 9 Siyang lumalakad ng matuwid ay lumalakad na tiwasay: nguni't siyang sumisira ng kaniyang mga lakad ay makikilala. 10 Siyang kumikindat ng mata ay nagpapapanglaw: nguni't ang madaldal na musmos ay mabubuwal. 11 Ang bibig ng matuwid, ay bukal ng kabuhayan: nguni't tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama. 12 Ang pagtatanim ay humihila ng mga kaalitan: nguni't tinatakpan ng pagibig ang lahat ng pagsalangsang. 13 Nasusumpungan sa mga labi ng mabait ang karunungan: nguni't ang pamalo ay sa likod ng walang unawa. 14 Ang mga pantas ay nagiimbak ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mangmang ay kasalukuyang ikapapahamak. 15 Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang matibay na bayan: ang kapahamakan ng dukha ay ang kanilang karalitaan. 16 Ang gawa ng matuwid ay patungo sa buhay; ang bunga ng dukha ay sa pagkakasala. 17 Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng saway: nguni't siyang nagpapabaya ng saway ay nagkakamali. 18 Siyang nagkukubli ng mga pagtatanim ay sa mga magdarayang labi; at siyang nagpaparatang ay mangmang. 19 Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalangsang: nguni't siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan. 20 Ang dila ng matuwid ay parang piling pilak: ang puso ng masama ay kaunti ang halaga. 21 Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami: nguni't ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pagunawa. 22 Ang pagpapala ng Panginoon, ay nagpapayaman, at hindi niya idinadagdag ang kapanglawan. 23 Isang paglilibang sa mangmang ang paggawa ng kasamaan: at gayon ang karunungan sa taong naguunawa. 24 Ang takot ng masama ay darating sa kaniya: at ang nasa ng matuwid ay ipagkakaloob. 25 Pagka ang ipoipo ay dumadaan ay nawawala ang masama: nguni't ang matuwid ay walang hanggang patibayan. 26 Kung paano ang suka sa mga ngipin, at kung paano ang usok sa mata, gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kaniya. 27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapalaon ng mga kaarawan: nguni't ang mga taon ng masama ay mangangaunti. 28 Ang pagasa ng matuwid ay magiging kasayahan: nguni't ang pagasa ng masama ay mawawala. 29 Ang daan ng Panginoon ay katibayan sa matuwid; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan. 30 Ang matuwid ay hindi makikilos kailan man: nguni't ang masama ay hindi tatahan sa lupain. 31 Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan: nguni't ang magdarayang dila ay ihihiwalay. 32 Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakalulugod: nguni't ang bibig ng masama ay nagsasalita ng karayaan.