God's Covenant with Noah

Genesis 8

20 At ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon; at kumuha sa lahat na malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nagalay ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. 21 At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy; at nagsabi ang Panginoon sa sarili, Hindi ko na muling susumpain ang lupa, dahil sa tao, sapagka't ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata; ni hindi ko na muling lilipulin pa ang lahat na nabubuhay na gaya ng aking ginawa. 22 Samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pagaani, at ang lamig at init, at ang tagaraw at taginaw, at ang araw at gabi.

Genesis 9

1 At binasbasan ng Dios si Noe at ang kaniyang mga anak, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. 2 At ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay mapapasa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; lahat ng umuusad sa lupa, at lahat ng isda sa dagat, ay ibinibigay sa inyong kamay. 3 Bawa't gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; gaya ng mga sariwang pananim na lahat ay ibinibigay ko sa inyo. 4 Nguni't ang lamang may buhay, na siya niyang dugo, ay huwag ninyong kakanin. 5 At tunay na hihingan ko ng sulit ang inyong dugo, ang dugo ng inyong mga buhay: sa kamay ng bawa't ganid ay hihingan ko ng sulit; at sa kamay ng tao, sa kamay ng bawa't kapatid ng tao ay hihingan ko ng sulit ang buhay ng tao.

6 Ang magbubo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ay mabububo ang kaniyang dugo: sapagka't sa larawan ng Dios nilalang ang tao.

7 At kayo'y magpalaanakin at magpakarami; magsilago kayo ng sagana sa lupa, at kayo'y magsidami riyan.

8 At nagsalita ang Dios kay Noe, at sa kaniyang mga anak na kasama niya, na sinasabi, 9 At ako, narito, aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo, at sa inyong binhi na susunod sa inyo; 10 At sa bawa't nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang hayop at bawa't ganid sa lupa na kasama ninyo; sa lahat ng lumunsad sa sasakyan pati sa bawa't ganid sa lupa. 11 At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. 12 At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: 13 Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa. 14 At mangyayari, pagka ako'y magbababa ng isang alapaap sa ibabaw ng lupa, na makikita ang bahaghari sa alapaap. 15 At aalalahanin ko ang aking tipan, na inilagda ko sa akin at sa inyo, at sa bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng laman; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng laman. 16 At ang bahaghari ay pasa sa alapaap, at aking mamasdan, upang aking maalaala, ang walang hanggang tipan ng Dios at ng bawa't kinapal na may buhay sa lahat ng lamang nasa ibabaw ng lupa. 17 At sinabi ng Dios kay Noe, Ito ang tanda ng tipang inilagda ko sa akin at sa lahat ng laman na nasa ibabaw ng lupa.

Next Book Next Book