1 Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos: 2 Sapagka't karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo.
3 Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso: 4 Sa gayo'y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao.
5 Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: 6 Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas. 7 Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan: 8 Magiging kagalingan sa iyong pusod, at utak sa iyong mga buto.
9 Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani: 10 Sa gayo'y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.
11 Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway: 12 Sapagka't sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.
13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan. 14 Sapagka't ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto. 15 Mahalaga nga kay sa mga rubi; at wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya, 16 Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan. 17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan. 18 Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.
19 Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan. 20 Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.
21 Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan; 22 Sa gayo'y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg. 23 Kung magkagayo'y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod. 24 Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing. 25 Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating: 26 Sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli. 27 Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito'y gawin.
28 Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon. 29 Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo. 30 Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo. 31 Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad. 32 Sapagka't ang suwail ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang kaniyang payo ay kasama ng matuwid. 33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama; nguni't pinagpapala niya ang tahanan ng matuwid. 34 Tunay na kaniyang dinuduwahagi ang mga mangduduwahagi, nguni't binibigyan niya ng biyaya ang mababa. 35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian; nguni't kahihiyan ay magiging ganti sa mga mangmang.