1 Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos; 2 Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa; 3 Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa; 4 Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago. 5 Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios. 6 Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan: 7 Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat; 8 Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal. 9 Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas. 10 Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa; 11 Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo: 12 Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay; 13 Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman; 14 Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan, 15 Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:
16 Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita; 17 Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios: 18 Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay: 19 Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:
20 Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid. 21 Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon. 22 Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.