1 Pagka ikaw ay nauupong kumain na kasalo ng isang pangulo, kilanlin mong maigi siya na nasa harap mo; 2 At maglagay ka ng sundang sa iyong lalamunan, kung ikaw ay taong bigay sa pagkain. 3 Huwag kang mapagnais ng kaniyang mga masarap na pagkain; yamang mga marayang pagkain. 4 Huwag kang mainip sa pagyaman; tumigil ka sa iyong sariling karunungan. 5 Iyo bang itititig ang iyong mga mata sa wala? Sapagka't ang mga kayamanan, ay tunay na nagsisipagpakpak, gaya ng aguila na lumilipad sa dakong langit. 6 Huwag mong kanin ang tinapay niya na may masamang mata, ni nasain mo man ang kaniyang mga masarap na pagkain: 7 Sapagka't kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya: kumain ka at uminom ka, sabi niya sa iyo; nguni't ang puso niya ay hindi sumasaiyo. 8 Ang subo na iyong kinain ay iyong isusuka, at iyong iwawala ang iyong mga matamis na salita. 9 Huwag kang magsalita sa pakinig ng mangmang; sapagka't kaniyang hahamakin ang karunungan ng iyong mga salita. 10 Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa; at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila: 11 Sapagka't ang kanilang Manunubos ay malakas; ipaglalaban niya ang kanilang usap sa iyo. 12 Ihilig mo ang iyong puso sa turo, at ang iyong mga pakinig sa mga salita ng kaalaman. 13 Huwag mong ipagkait ang saway sa bata: sapagka't kung iyong hampasin siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay. 14 Iyong hahampasin siya ng pamalo, at ililigtas mo ang kaniyang kaluluwa sa Sheol. 15 Anak ko, kung ang iyong puso ay magpakapantas, ang puso ko'y matutuwa sa makatuwid baga'y ang akin: 16 Oo, ang aking puso ay magagalak pagka ang iyong mga labi ay nangagsasalita ng matuwid na mga bagay. 17 Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan: kundi lumagay ka sa Panginoon buong araw: 18 Sapagka't tunay na may kagantihan; at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakapantas, at patnubayan mo ang iyong puso sa daan. 20 Huwag kang mapasama sa mga mapaglango; sa mga mayamong mangangain ng karne: 21 Sapagka't ang manglalasing at ang mayamo ay darating sa karalitaan: at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.
22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y tumanda. 23 Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili: Oo karunungan, at turo, at pag-uunawa. 24 Ang ama ng matuwid ay magagalak na lubos: at siyang nagkaanak ng pantas na anak ay magagalak sa kaniya. 25 Mangatuwa ang iyong ama at ang iyong ina, at magalak siyang nanganak sa iyo.
26 Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan. 27 Sapagka't ang isang patutot ay isang malalim na lubak; at ang babaing di kilala ay makipot na lungaw. 28 Oo, siya'y bumabakay na parang tulisan, at nagdaragdag ng mga magdaraya sa gitna ng mga tao.
29 Sinong may ay? sinong may kapanglawan? sinong may pakikipagtalo? sinong may daing? sino ang may sugat na walang kadahilanan? sino ang may maningas na mata? 30 Silang nangaghihintay sa alak; silang nagsisiyaon upang humanap ng pinaghalong alak. 31 Huwag kang tumingin sa alak pagka mapula, pagka nagbibigay ng kaniyang kulay sa saro, 32 Sa huli ay kumakagat ito na parang ahas, at tumutukang parang ulupong. 33 Ang iyong mga mata ay titingin ng mga katuwang bagay, at ang iyong puso ay nagbabadya ng mga magdarayang bagay. 34 Oo, ikaw ay magiging parang nahihiga sa gitna ng dagat, o parang nahihiga sa dulo ng isang palo ng sasakyan. 35 Kanilang pinalo ako, iyong sasalitain, at hindi ako nasaktan; kanilang hinampas ako, at hindi ko naramdaman: kailan gigising ako? aking hahanapin pa uli.