1 Ang mga ito nga ang mga saserdote at ang mga Levita na nagsisampa na kasama ni Zorobabel na anak ni Sealthiel, at ni Jesua: si Seraias, si Jeremias, si Ezra; 2 Si Amarias; si Malluch, si Hartus; 3 Si Sechanias, si Rehum, si Meremoth; 4 Si Iddo, si Ginetho, si Abias; 5 Si Miamin, si Maadias, si Bilga; 6 Si Semaias, at si Joiarib, si Jedaias; 7 Si Sallum, si Amoc, si Hilcias, si Jedaias. Ang mga ito'y ang mga pinuno sa mga saserdote at sa kanilang mga kapatid sa mga kaarawan ni Jesua.
8 Bukod dito'y ang mga Levita: si Jesua, si Binnui, si Cadmiel, si Serebias, si Juda, at si Mathanias, na namamahala sa pagpapasalamat, siya at ang kaniyang mga kapatid. 9 Si Bacbucias, naman at si Unni, na kanilang mga kapatid, ay nagkakaharapan sa kanikaniyang pulutong. 10 At naging anak ni Jesua si Joiacim, at naging anak ni Joiacim si Eliasib, at naging anak ni Eliasib, si Joiada, 11 At naging anak ni Joiada si Jonathan at naging anak ni Jonathan si Jaddua.
12 At sa mga kaarawan ni Joiacim, ay mga saserdote, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang: kay Seraias, si Meraias; kay Jeremias, si Hananias; 13 Kay Ezra, si Mesullam; kay Amarias, si Johanan; 14 Kay Melicha si Jonathan; kay Sebanias, si Joseph; 15 Kay Harim, si Adna; kay Meraioth, si Helcai; 16 Kay Iddo, si Zacarias; kay Ginnethon, si Mesullam; 17 Kay Abias, si Zichri; kay Miniamin, kay Moadias, si Piltai; 18 Kay Bilga, si Sammua; kay Semaias, si Jonathan; 19 At kay Joiarib, si Mathenai; kay Jedaias, si Uzzi; 20 Kay Sallai, si Callai; kay Amoc, si Eber; 21 Kay Hilcias, si Hasabias; kay Jedaias, si Nathanael.
22 Ang mga Levita sa mga kaarawan ni Eliasib, ni Joiada, at ni Johanan, at ni Jaddua, ay nangasulat sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang: gayon din ang mga saserdote sa paghahari ni Dario na taga Persia. 23 Ang mga anak ni Levi, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, ay nangasulat sa aklat ng mga alaala, hanggang sa mga kaarawan ni Johanan na anak ni Eliasib. 24 At ang mga pinuno ng mga Levita: si Hasabias, si Serabias, si Jesua na anak ni Cadmiel, na may mga kapatid na nangasa tapat nila upang magsipuri at nangagpasalamat, ayon sa utos ni David na lalake ng Dios, sa pulutong at pulutong. 25 Si Mathanias, at si Bucbucias, si Obadias, si Mesullam, si Talmon, si Accub, ay mga tagatanod-pinto, na nangagbabantay sa mga kamalig ng mga pintuang-bayan. 26 Ang mga ito'y sa mga kaarawan ni Joiacim, na anak ni Jesua, na anak ni Josadac, at sa mga kaarawan ni Nehemias na tagapamahala, at ng saserdoteng Ezra na kalihim.
27 At sa pagtatalaga ng kuta ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita mula sa lahat nilang dako upang dalhin nila sila sa Jerusalem, na ipagdiwang ang pagtatalaga na may kasayahan, na may mga pagpapasalamat, at may mga awitan din may mga cimbalo, mga salterio, at may mga alpa. 28 At ang mga anak ng mga mangaawit ay nagpipisan mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem, at mula sa mga nayon ng mga Netophatita; 29 Mula rin naman sa Beth-gilgal, at mula sa mga parang ng Geba at ng Azmaveth: sapagka't nangagtayo sa ganang kanila ang mga mangaawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem. 30 At ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangagpakalinis; at kanilang nilinis ang bayan, at ang mga pintuang-bayan, at ang kuta.
31 Nang magkagayo'y isinampa ko ang mga prinsipe sa Juda sa ibabaw ng kuta, at akin silang pinapagdalawang malaking pulutong na nangagpasalamat at nagsiyaong sunodsunod; na ang isa'y lumalakad sa kanan sa ibabaw ng kuta sa dako ng pintuang-bayan ng tapunan ng dumi; 32 At sumusunod sa kanila si Osaias, at ang kalahati sa mga prinsipe sa Juda, 33 At si Azarias, si Ezra, at si Mesullam, 34 Si Juda, at si Benjamin, at si Semaias, at si Jeremias, 35 At ang iba sa mga anak ng mga saserdote na may mga pakakak: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Semaias, na anak ni Mathanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaph; 36 At ang kaniyang mga kapatid, na si Semaias, at si Azarel, si Milalai, si Gilalai, si Maai, si Nathanael, at si Juda, si Hanani, na may mga panugtog ng tugtugin ni David na lalake ng Dios; at si Ezra na kalihim ay nasa unahan nila: 37 At sa tabi ng pintuang-bayan ng bukal, at nagtuwid sila sa harapan nila, na sila'y nagsisampa sa mga baytang ng bayan ni David sa sampahan sa kuta, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa pintuang-bayan ng tubig sa dakong silanganan.
38 At ang isang pulutong nila na nagpapasalamat ay yumaong sinalubong sila, at ako'y sa hulihan nila, na kasama ko ang kalahati ng bayan sa ibabaw ng kuta, sa itaas ng moog ng mga hurno, hanggang sa maluwang na kuta; 39 At sa ibabaw ng pintuang-bayan ng Ephraim, at sa matandang pintuang-bayan at sa pintuang-bayan ng mga isda, at sa moog ng Hananel, at sa moog ng Meah, hanggang sa pintuang-bayan ng mga tupa: at sila'y nagsitayong nangakatigil sa pintuang-bayan ng bantay. 40 Sa gayo'y nagsitayo ang dalawang pulutong nila na nangagpasalamat sa bahay ng Dios, at ako, at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko. 41 At ang mga saserdote, si Eliacim, si Maaseias, si Miniamin, si Michaias, si Elioenai, si Zacarias, at si Hananias, na may mga pakakak; 42 At si Maaseias, at si Semeias, at si Eleazar, at si Uzzi, at si Johanan, at si Malchias, at si Elam, at si Ezer. At ang mga mangaawit ay nagsiawit ng malakas, na kasama si Jezrahias, na tagapamahala sa kanila. 43 At sila'y nangaghandog ng malalaking hain ng araw na yaon, at nangagalak; sapagka't sila'y pinapagkatuwa ng Dios ng di kawasa; at ang mga babae naman at ang mga bata ay nangagalak: na anopa't ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.
44 At nang araw na yaon ay nahalal ang ilan sa mga lalake sa mga silid na ukol sa mga kayamanan, sa mga handog na itataas, sa mga unang bunga, at sa mga ikasangpung bahagi, upang pisanin sa mga yaon, ayon sa mga bukid ng mga bayan, na mga bahaging takda ng kautusan sa mga saserdote at mga Levita: sapagka't kinagagalakan ng Juda ang mga saserdote at mga Levita na nagsitayo. 45 At sila'y nangagingat ng tungkulin sa kanilang Dios, at ng tungkulin sa paglilinis, at gayong ginawa ng mga mangaawit at mga tagatanod-pinto, ayon sa utos ni David, at ni Salomon sa kaniyang anak. 46 Sapagka't sa mga kaarawan ni David at ni Asaph ng una ay may pinuno sa mga mangaawit, at mga awit na pagpuri at pasasalamat sa Dios. 47 At ang buong Israel sa mga kaarawan ni Zorobabel, at sa mga kaarawan ni Nehemias, ay nangagbigay ng mga bahagi ng mga mangaawit, at mga tagatanod-pinto, ayon sa kailangan sa bawa't araw: at kanilang itinalaga sa mga Levita; at itinalaga ng mga Levita sa mga anak ni Aaron.