1 At lumabas si Jesus sa templo, at payaon sa kaniyang lakad; at nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang sa kaniya'y ipamalas ang mga gusali ng templo. 2 Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Hindi baga ninyo nangakikita ang lahat ng mga bagay na ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dito'y walang maiiwang isang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak.
3 At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan? 4 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. 5 Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami. 6 At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas. 7 Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. 8 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.
9 Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa. 11 At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami. 12 At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig. 13 Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. 14 At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.
15 Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), 16 Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea: 17 Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay: 18 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal. 19 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon! 20 At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man: 21 Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man. 22 At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon. 23 Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. 24 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. 25 Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. 26 Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan. 27 Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. 28 Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak.
29 Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit: 30 At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
32 Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw; 33 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga. 34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito. 35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.
36 Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. 37 At kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. 38 Sapagka't gaya ng mga araw bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, at nangagaasawa at pinapapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, 39 At hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; ay gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao. 40 Kung magkagayo'y sasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan: 41 Dalawang babaing nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. 42 Mangagpuyat nga kayo: sapagka't hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. 43 Datapuwa't ito'y talastasin ninyo, na kung nalalaman ng puno ng sangbahayan kung anong panahon darating ang magnanakaw, ay siya'y magpupuyat, at hindi niya pababayaang tibagin ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.
45 Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng pagkain sa kapanahunan? 46 Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa. 47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari. 48 Datapuwa't kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon; 49 At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing; 50 Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman, 51 At siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.