1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, na inyong itatanyag na mga banal na pagpupulong, ay mga ito nga ang aking mga takdang kapistahan.
3 Anim na araw na gagawa: datapuwa't sa ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, siyang banal na pagpupulong; anomang gawa ay huwag ninyong gagawin: isang sabbath sa Panginoon sa lahat ng inyong tahanan.
4 Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon ng mga banal na pagpupulong na inyong itatanyag sa takdang panahon. 5 Sa unang buwan, nang ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, ay paskua sa Panginoon. 6 At nang ikalabing limang araw ng buwang iyan, ay kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa Panginoon: pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura. 7 Sa unang araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong: anomang gawang paglilingkod ay huwag ninyong gagawin. 8 Kundi maghahandog kayo sa Panginoon na pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; sa ikapitong araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong anomang gawang paglilingkod ay huwag ninyong gagawin.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi, 10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka kayo'y nakapasok sa lupain na ibibigay ko sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyaon, ay magdadala nga kayo sa saserdote ng bigkis na pinaka pangunang bunga ng inyong paggapas: 11 At aalugin niya ang bigkis sa harap ng Panginoon upang tanggapin sa ganang inyo: sa kinabukasan pagkatapos ng sabbath aalugin ng saserdote. 12 At sa araw na inyong alugin ang bigkis, ay maghahandog kayo ng isang korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan, na pinakahandog na susunugin sa Panginoon. 13 At ang handog na harina niyaon ay magiging dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na hinaluan ng langis, handog nga sa Panginoon na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy: at ang pinakahandog na inumin niyaon ay alak, na ikaapat na bahagi ng isang hin. 14 At huwag kayong kakain ng tinapay, ni trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang alay sa inyong Dios: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng inyong mga tahanan.
15 At kayo'y bibilang sa inyo mula sa kinabukasan ng sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na inalog: magiging pitong sabbath na ganap. 16 Sa makatuwid baga'y hanggang sa kinabukasan ng ikapitong sabbath, bibilang kayo ng limang pung araw; at maghahandog kayo ng bagong handog na harina sa Panginoon. 17 Sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay na aalugin na may dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, at lulutuin na may levadura na pinaka pangunang bunga sa Panginoon. 18 At ihaharap ninyo ang tinapay na kalakip ng pitong kordero ng unang taon na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalake: mga handog sa Panginoon na susunugin, na kalakip ng kanilang handog na harina, at ng kanilang mga handog na inumin, handog nga na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon. 19 At maghahandog kayo ng isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ng dalawang korderong lalake ng unang taon na haing mga handog tungkol sa kapayapaan. 20 At aalugin ng saserdote pati ng tinapay ng mga unang bunga, na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon, na kalakip ng dalawang kordero: ang mga tinapay ay magiging itinalaga sa Panginoon na ukol sa saserdote. 21 At inyong ihahayag sa araw ding iyan; magiging banal na pagpupulong nga sa inyo; kayo'y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod: siyang palatuntunan sa lahat ng inyong mga tahanan, sa buong panahon ng inyong lahi.
22 At pagka inyong aanihin ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong pakakaanihin ang mga sulok ng inyong bukid, ni pamulutan ang inyong naanihan: sa dukha at sa taga ibang lupa inyong ititira: ako ang Panginoon ninyong Dios.
23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 24 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, ay magkakaroon kayo ng takdang kapahingahan, na pinakaalaalang may tunog ng mga pakakak banal na pagpupulong nga. 25 Kayo'y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod: at kayo'y maghahandog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
26 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 27 Gayon ma'y sa ikasangpung araw nitong ikapitong buwan ay araw ng pagtubos: magiging sa inyo'y banal na pagpupulong, at papagdadalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa; at maghahandog kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. 28 At huwag kayong gagawa ng anomang gawa sa araw ding iyan: sapagka't araw ng pagtubos, upang itubos sa inyo sa harap ng Panginoon ninyong Dios. 29 Sapagka't sinomang tao na hindi magdalamhati sa araw ding iyan ay ihihiwalay sa kaniyang bayan. 30 At sinomang tao na gumawa ng anomang gawa sa araw ding iyan ay pupuksain ko ang taong yaon sa kaniyang bayan. 31 Kayo'y huwag gagawa ng anomang gawa: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan. 32 Magiging sabbath na takdang kapahingahan sa inyo, at inyong pagdadalamhatiin ang inyong mga kaluluwa sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa pagkalubog ng araw hanggang sa muling pagkalubog ng araw ay ipangingilin ninyo ang inyong sabbath.
33 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 34 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwang ito ay kapistahan ng mga balag na pitong araw sa Panginoon. 35 Sa unang araw ay magkakaroon ng banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anomang gawang paglilingkod. 36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy; sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy; siyang pinaka dakilang kapulungan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod.
37 Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, na inyong itatanyag na mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na susunugin, at ng handog na harina, ng hain, at ng mga handog na inumin na bawa't isa ay sa kaniyang sariling kaarawan: 38 Bukod sa mga sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, at bukod sa lahat ng inyong mga panata, at bukod sa lahat ng inyong mga handog na kusa na inyong ibinibigay sa Panginoon.
39 Gayon ma'y sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagka inyong natipon ang bunga ng lupain, ay magdidiwang kayo sa Panginoon ng kapistahang pitong araw: ang unang araw ay magiging takdang kapahingahan, at ang ikawalong araw ay magiging takdang kapahingahan. 40 At magdadala kayo sa unang araw ng bunga ng magagandang punong kahoy, ng mga sanga ng mga palma, at ng mga sanga ng mayayabong na punong kahoy, at ng mga sause ng batis; at kayo'y magpapakagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, na pitong araw. 41 At inyong ipangingiling isang kapistahan sa Panginoon na pitong araw sa bawa't taon: siyang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong lahi: sa ikapitong buwan ay ipagdidiwang ninyo ang kapistahang ito. 42 Kayo'y tatahan sa mga balag na pitong araw; yaong lahat ng tubo sa Israel ay tatahan sa mga balag: 43 Upang maalaman ng inyong mga lahi na sa mga balag pinatahan ko ang mga anak ni Israel, nang aking ilabas sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.
44 At ipinakilala ni Moises sa mga anak ni Israel ang mga takdang kapistahan sa Panginoon.