1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 2 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak na sila'y magsihiwalay sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na ikinagiging banal nila sa akin, at huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: ako ang Panginoon. 3 Sabihin mo sa kanila, Sinomang lalake sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong lahi, na lumapit sa mga banal na bagay na ikinagiging banal ng mga anak ni Israel sa Panginoon, na taglay ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong iyon sa harap ko: ako ang Panginoon. 4 Sinomang lalake sa binhi ni Aaron na may ketong o may agas; ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y malinis. At ang humipo ng alin mang bagay na karumaldumal dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito; 5 O sinomang humipo ng anomang umuusad na makapagpaparumi, o lalaking makakahawa dahil sa alin mang karumihan niya; 6 Ang lalaking humipo ng gayon ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon, at hindi kakain ng mga banal na bagay maliban na maligo siya sa tubig. 7 At pagkalubog ng araw, ay magiging malinis siya; at pagkatapos ay makakakain ng mga banal na bagay, sapagka't siya niyang tinapay. 8 Yaong bagay na namatay sa sarili, o nilapa ng mga ganid, ay huwag niyang kakanin, na makapagpapahawa sa kaniya: ako ang Panginoon. 9 Iingatan nga nila ang aking bilin, baka sila'y magkasala sa paraang iyan, at kanilang ikamatay, kung kanilang lapastanganin: ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
10 Hindi makakakain ang sinomang taga ibang bayan ng banal na bagay: sinomang nakikipanuluyan sa saserdote, o aliping upahan niya ay hindi makakakain ng banal na bagay. 11 Nguni't kung ang saserdote ay bumili ng sinomang tao sa kaniyang salapi, ay makakakain ito; at gayon din ang aliping inianak sa kaniyang bahay ay makakakain ng kaniyang tinapay. 12 At kung ang isang anak na babae ng saserdote ay magasawa sa isang taga ibang bayan, ay hindi makakakain sa handog na itinaas sa mga banal na bagay. 13 Datapuwa't kung ang anak na babae ng saserdote ay bao o inihiwalay, na walang anak at bumalik sa bahay ng kaniyang ama na gaya rin ng kaniyang pagkadalaga, ay makakakain ng tinapay ng kaniyang ama, nguni't ang sinomang taga ibang bayan ay hindi makakakain niyaon. 14 At kung ang sinomang lalake ay magkamaling kumain ng banal na bagay, ay kaniyang daragdagan pa nga ng ikalimang bahagi yaon, at ibibigay niya sa saserdote ang banal na bagay. 15 At huwag nilang dudumhan ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na inihahandog sa Panginoon; 16 At gayon papasanin ang kasamaan ng nagtataglay ng sala, pagka kanilang kinakain ang kanilang mga banal na bagay: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 18 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Sinoman sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang bayan sa Israel, na maghahandog ng kaniyang alay, maging anomang panata nila, o maging anomang kusang handog nila, na kanilang inihahandog sa Panginoon na pinakahandog na susunugin; 19 Upang kayo'y tanggapin, ang inyong ihahandog ay lalaking hayop na walang kapintasan, sa mga baka, sa mga tupa, o sa mga kambing. 20 Datapuwa't alin mang may kapintasan, ay huwag ninyong ihahandog; sapagka't hindi tatanggapin sa inyo. 21 At sinomang maghandog sa Panginoon ng haing handog tungkol sa kapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang handog, na mula sa bakahan o sa kawan ay kinakailangang sakdal, upang tanggapin; anomang kapintasan ay huwag magkakaroon. 22 Bulag, o may bali, o may hiwa, o may sugat, o galisin, o malangib, ay huwag ninyong ihahandog ang mga ito sa Panginoon, ni huwag kayong maghahandog sa Panginoon ng mga iyan na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana. 23 Maging toro o tupa na may anomang kuntil o kulang sa kaniyang sangkap ng katawan, ay maihahandog mo na handog mo na kusa, datapuwa't sa panata ay hindi tatanggapin. 24 Yaong niluluslusan, o napisa, o nabasag, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon; ni huwag kayong gagawa ng ganyan sa inyong lupain. 25 Ni mula sa kamay ng taga ibang lupa ay huwag ninyong ihahandog na pinakatinapay ng inyong Dios ang alin mang mga hayop na ito: sapagka't taglay nila ang kanilang karumhan, may kapintasan sa mga iyan: hindi tatanggapin sa inyo.
26 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, 27 Pagka may ipinanganak, na baka, o tupa, o kambing ay mapapasa kaniyang ina ngang pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ay tatanggaping alay sa Panginoon na handog na pinaraan sa apoy. 28 At maging baka o tupa ay huwag ninyong papatayin sa isang araw siya at ang kaniyang anak. 29 At pagka kayo'y maghahandog ng haing pasalamat sa Panginoon, ay inyong ihahain upang kayo'y tanggapin. 30 Sa araw ding iyan kakanin; huwag kayong magtitira ng anoman niyan hanggang sa umaga: ako ang Panginoon.
31 Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tutuparin: ako ang Panginoon. 32 At huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y sasambahin sa gitna ng mga anak ni Israel: ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa inyo, 33 Na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang ako'y maging inyong Dios: ako ang Panginoon.