1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 Sa katotohanan ay nalalaman kong ito'y gayon: nguni't paanong makapaggaganap ang tao sa Dios? 3 Kung kalugdan niyang makipagtalo sa kaniya, siya'y hindi makasasagot sa kaniya ng isa sa isang libo. 4 Siya ay pantas sa puso, at may kaya sa kalakasan: sinong nagmatigas laban sa kaniya at guminhawa? 5 Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nalalaman, pagka nililiglig niya sa kaniyang pagkagalit. 6 Na siyang umuuga ng lupa sa kaniyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nangayayanig. 7 Na siyang naguutos sa araw, at hindi sumisikat; at nagtatakda sa mga bituin. 8 Na nagiisang inuunat ang langit, at tumutungtong sa mga alon ng dagat. 9 Na lumikha sa Oso, sa Orion, at sa mga Pleyade, at sa mga silid ng timugan. 10 Na gumagawa ng mga dakilang bagay na di masayod; Oo, mga kamanghamanghang bagay na walang bilang. 11 Narito, siya'y dumaraan sa siping ko, at hindi ko siya nakikita: siya'y nagpapatuloy rin naman, nguni't hindi ko siya namamataan. 12 Narito, siya'y nangangagaw sinong makasasansala sa kaniya? Sinong magsasabi sa kaniya: Anong ginagawa mo?
13 Hindi iuurong ng Dios ang kaniyang galit; ang mga manunulong sa Rahab ay nagsisiyukod sa ilalim niya. 14 Gaano pa nga kaya kaliit ang maisasagot ko sa kaniya, at mapipiling aking mga salita na maimamatuwid ko sa kaniya? 15 Na kahiman ako'y matuwid, gayon may hindi ako sasagot sa kaniya; ako'y mamamanhik sa aking hukom. 16 Kung ako'y tumawag, at siya'y sumagot sa akin; gayon ma'y hindi ako maniniwala na kaniyang dininig ang aking tinig. 17 Sapagka't ako'y ginigiba niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat ng walang kadahilanan. 18 Hindi niya ako tutulutang ako'y huminga, nguni't nililipos niya ako ng hirap. 19 Kung kami ay magsalita tungkol sa kalakasan, narito, siya'y may kapangyarihan! At kung sa kahatulan, sino, sinasabi niya ay magtatakda sa akin ng panahon? 20 Kahiman ako'y matuwid, ang aking sariling bibig ay hahatol sa akin: kahiman ako'y sakdal patototohanan niya akong masama. 21 Ako'y sakdal; hindi ko talos ang aking sarili; aking niwalang kabuluhan ang aking buhay. 22 Lahat ay isa; kaya't aking sinasabi: kaniyang ginigiba ang sakdal at ang masama. 23 Kung ang panghampas ay pumapatay na bigla, tatawanan niya ang paglilitis sa mga walang sala. 24 Ang lupa ay nabigay sa kamay ng masama: kaniyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito; kung hindi siya, sino nga?
25 Ngayo'y ang mga kaarawan ko ay matulin kay sa isang sugo: dumadaang matulin, walang nakikitang mabuti. 26 Sila'y nagsisidaang parang mga matuling sasakyan: parang agila na dumadagit ng huli. 27 Kung aking sabihin: Aking kalilimutan ang aking daing, aking papawiin ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako: 28 Ako'y natatakot sa lahat kong kapanglawan, talastas ko na hindi mo aariin akong walang sala. 29 Ako'y mahahatulan; bakit nga ako gagawa ng walang kabuluhan? 30 Kung ako'y maligo ng nieveng tubig, at gawin ko ang aking mga kamay na napakalinis; 31 Gayon ma'y itutulak mo ako sa hukay, at kayayamutan ako ng aking mga sariling kasuutan. 32 Sapagka't siya'y hindi tao, na gaya ko, na sasagot ako sa kaniya, na tayo'y pumasok kapuwa sa kahatulan, 33 Walang hukom sa pagitan natin, na makapaglagay ng kaniyang kamay sa ating dalawa. 34 Ihiwalay niya sa akin ang kaniyang tungkod, at huwag akong takutin ng kaniyang pangilabot: 35 Kung magkagayo'y magsasalita ako, at hindi matatakot sa kaniya; sapagka't hindi gayon ako sa aking sarili.