1 Bukod dito'y sumagot ang Panginoon kay Job, at nagsabi,
2 Magmamatapang ba siya na makipagtalo sa Makapangyarihan sa lahat? Siyang nakikipagkatuwiranan sa Dios, ay sagutin niya ito.
3 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,
4 Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo? Aking inilalagay ang aking kamay sa aking bibig, 5 Minsan ay nagsalita ako, at hindi ako sasagot: Oo, makalawa, nguni't hindi ako magpapatuloy.
6 Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi,
7 Magbigkis ka ng iyong mga balakang ngayon na parang lalake: ako'y magtatanong sa iyo at magpahayag ka sa akin. 8 Iyo bang wawaling kabuluhan ang aking kahatulan? Iyo bang hahatulan ako, upang ikaw ay ariing ganap? 9 O mayroon ka bang kamay na parang Dios? At makakukulog ka ba ng tinig na gaya niya?
10 Magpakagayak ka ngayon ng karilagan at karapatan; at magbihis ka ng karangalan at kalakhan. 11 Ibugso mo ang mga alab ng iyong galit: at tunghan mo ang bawa't palalo, at abain mo siya. 12 Masdan mo ang bawa't palalo, at papangumbabain mo siya; at iyong tungtungan ang masama sa kaniyang tayuan. 13 Ikubli mo sila sa alabok na magkakasama; talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako. 14 Kung magkagayo'y ipahayag naman kita; na maililigtas ka ng iyong kanan.
15 Narito ngayon, ang hayop na behemot na aking ginawang kasama mo: siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka. 16 Narito, ngayon, ang kaniyang lakas ay nasa kaniyang mga balakang, at ang kaniyang kalakasan ay nasa kalamnan ng kaniyang tiyan. 17 Kaniyang iginagalaw ang kaniyang buntot na parang isang cedro: ang mga litid ng kaniyang mga hita ay nangagkakasabiran. 18 Ang kaniyang mga buto ay parang mga tubong tanso; ang kaniyang mga paa ay parang mga halang na bakal.
19 Siya ang pinakapangulo sa mga daan ng Dios: ang lumalang sa kaniya, ang makapaglalapit lamang ng tabak sa kaniya. 20 Tunay na ang mga bundok ay naglalabas sa kaniya ng pagkain; na pinaglalaruan ng lahat ng mga hayop sa parang. 21 Siya'y humihiga sa ilalim ng punong loto, sa puwang ng mga tambo, at mga lumbak. 22 Nilililiman siya ng mga puno ng loto ng kanilang lilim; nililigid sa palibot ng mga sauce sa batis. 23 Narito, kung bumubugso ang isang ilog hindi nanginginig: siya'y tiwasay bagaman umapaw ang Jordan hanggang sa kaniyang bunganga. 24 May kukuha ba sa kaniya pag siya'y natatanod, o may tutuhog ba ng kaniyang ilong sa pamamagitan ng isang silo.