1 Ang hula tungkol sa libis ng pangitain. Anong ipinakikialam mo ngayon na ikaw ay lubos na sumampa sa mga bubungan? 2 Oh ikaw na puspos ng mga hiyawan, magulong bayan, masayang bayan; ang iyong mga patay ay hindi nangapatay ng tabak, o nangamatay man sila sa pakikipagbaka. 3 Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama, nangatalian ng mga mangbubusog: lahat na nangasumpungan sa iyo ay nangataliang magkakasama, nagsitakas na malayo. 4 Kaya't sinabi ko, Bayaan ninyo ako, ako'y iiyak na may kapanglawan; huwag ninyong sikaping aliwin ako, ng dahil sa pagkasamsam sa anak na babae ng aking bayan.
5 Sapagka't araw na pagkatulig at ng pagyurak, at ng pagkalito, mula sa Panginoon, mula sa Panginoon ng mga hukbo, sa libis ng pangitain; pagkabagsak ng mga kuta at paghiyaw sa mga bundok. 6 At ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana, may mga karo ng mga tao at mga mangangabayo; at ang Kir ay Bunot ang kalasag. 7 At nangyari, na ang iyong pinakapiling libis ay puno ng mga karo, at ang mga mangangabayo ay nagsisihanay sa pintuang-bayan.
8 At kaniyang inalis ang takip ng Juda; at ikaw ay tumitig ng araw na yaon sa sakbat sa bahay na kahoy sa gubat. 9 At inyong nakita ang mga sira ng bayan ni David, na napakarami: at inyong pinisan ang tubig ng mababang tangke. 10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong iginiba ang mga bahay upang patibayin ang kuta. 11 Kayo'y nagsigawa naman ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang kuta para sa tubig ng dating tangke. Nguni't hindi ninyo tiningnan siyang gumawa nito, o nagpakundangan man kayo sa kaniya na naganyo nito na malaon na.
12 At nang araw na yao'y tumawag ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, sa pagiyak, at sa pagtangis, at sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng kayong magaspang. 13 At, narito, kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at paginom ng alak: Tayo'y magsikain at magsiinom, sapagka't bukas tayo ay mangamamatay. 14 At ang Panginoon ng mga hukbo ay naghayag sa aking mga pakinig, Tunay na ang kasamaang ito ay hindi malilinis sa inyo hanggang sa kayo'y mangamatay, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
15 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Ikaw ay yumaon, pumaroon ka sa tagaingat-yamang ito sa makatuwid baga'y kay Sebna, na katiwala sa bahay, at iyong sabihin, 16 Anong ginagawa mo rito? at sinong ibinaon mo rito, na gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? na gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan niyang sarili sa malaking bato! 17 Narito, ibabagsak kang bigla ng Panginoon na gaya ng malakas na tao: oo, kaniyang hihigpitan ka. 18 Tunay niyang papipihit-pihitin at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain; doon ka mamamatay, at doon malalagay ang mga karo ng iyong kaluwalhatian, ikaw na kahihiyan ng sangbahayan ng iyong panginoon. 19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka. 20 At mangyayari sa araw na yaon, na aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliacim na anak ni Hilcias: 21 At aking susuutan siya ng iyong balabal, at patitibayin siya ng iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong pamamahala sa kaniyang kamay: at siya'y magiging ama sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa sangbahayan ni Juda. 22 At ang katungkulan sa sangbahayan ni David ay iaatang ko sa kaniyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang magsasara; at siya'y magsasara, at walang magbubukas. 23 At aking ikakapit siya na parang pako sa isang matibay na dako; at siya'y magiging pinakaluklukan ng kaluwalhatian sa sangbahayan ng kaniyang magulang. 24 At kanilang ipagkakaloob sa kaniya ang buong kaluwalhatian ng sangbahayan ng kaniyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawa't sisidlan, mula sa mga munting sisidlan hanggang sa mga malalaking sisidlan. 25 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang pakong nakapit sa matibay na dako; at mababalikwat, at mahuhulog, at ang mga sabit niyaon ay malalaglag; sapagka't sinalita ng Panginoon.