Hosea 13

The Lord's Relentless Judgment on Israel

1 Nang magsalita ang Ephraim, ay nagkaroon ng panginginig; siya'y nagpapakalaki sa kaniyang sarili sa Israel; nguni't nang siya'y magkasala tungkol kay Baal ay namatay siya. 2 At ngayo'y nangagkasala sila ng higit at higit, at nagsigawa sila ng mga larawang binubo sa kanilang pilak, mga diosdiosan na ayon sa kanilang unawa, lahat ng yaon ay gawa ng manggagawa: sinasabi nila tungkol sa mga yaon; Magsihalik sa mga guya ang mga tao na nangaghahain. 3 Kaya't sila'y magiging parang ulap sa umaga, at parang hamog na nawawalang maaga, na gaya ng dayami na tinatangay ng ipoipo mula sa giikan, at parang usok na lumalabas sa Chimenea:

4 Gayon ma'y ako ang Panginoon mong Dios mula sa lupain ng Egipto; at wala kang makikilalang Dios kundi ako, at liban sa akin ay walang tagapagligtas. 5 Nakilala kita sa ilang, sa lupain ng malaking katuyuan. 6 Ayon sa pastulan sa kanila, gayon sila nangabusog; sila'y nangabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki: kaya't kinalimutan nila ako. 7 Kaya't ako'y magiging parang leon sa kanila; parang leopardo na ako'y magbabantay sa tabi ng daan; 8 Aking sasalubungin sila na gaya ng oso na ninakawan ng kaniyang mga anak, at aking babakahin ang lamak ng kanilang puso; at doo'y lalamunin ko sila ng gaya ng leon; lalapain sila ng mabangis na hayop.

9 Siyang iyong kapahamakan Oh Israel, na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong. 10 Saan nandoon ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong bayan? at ang iyong mga hukom, na iyong pinagsasabihan, Bigyan mo ako ng hari at mga prinsipe? 11 Aking binigyan ka ng hari sa aking kagalitan, at inalis ko siya sa aking poot.

12 Ang kasamaan ng Ephraim ay nababalot; ang kaniyang kasalanan ay nabubunton. 13 Ang mga kapanglawan ng nagdaramdam na babae ay dadanasin niya: siya'y hindi pantas na anak; sapagka't panahon na hindi sana siya marapat maghirap sa pagwawaksi ng mga yaon.

14 Aking tutubusin sila mula sa kapangyarihan ng Sheol; aking tutubusin sila mula sa kamatayan. Oh kamatayan, saan nandoon ang iyong mga salot? Oh Sheol, saan nandoon ang iyong kasiraan? pagsisisi ay malilingid sa aking mga mata.

15 Bagaman siya'y mabunga sa kaniyang mga kapatid, isang hanging silanganan ay darating, ang hinga ng Panginoon ay umiilanglang mula sa ilang; at ang kaniyang tipunan ng tubig ay magiging tuyo, at ang kaniyang bukal ay matutuyo: kaniyang sasamsamin ang kayamanan ng lahat na maligayang kasangkapan. 16 Tataglayin ng Samaria ang kaniyang sala; sapagka't siya'y nanghimagsik laban sa kaniyang Dios: sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; ang kanilang mga sanggol ay pagluluraylurayin at ang kanilang mga nagdadalang tao ay paluluwain ang bituka.

Previous Book Next Book