1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Tingnan mo, ginawa kitang dios kay Faraon: at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta. 2 Iyong sasalitaing lahat ang aking iniuutos sa iyo: at sasalitain kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang kaniyang pahintulutan ang mga anak ni Israel ay lumabas sa kaniyang lupain. 3 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at aking pararamihin ang aking mga tanda at ang aking mga kababalaghan sa lupain ng Egipto. 4 Nguni't si Faraon ay hindi makikinig sa inyo, at aking ipapatong sa Egipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupaing Egipto sa pamamagitan ng mga dakilang kahatulan. 5 At malalaman ng mga taga Egipto na ako ang Panginoon, pagka iniunat ko sa Egipto ang aking kamay, at pagka inilabas ko ang mga anak ni Israel sa gitna nila. 6 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanila, ay gayon ginawa nila. 7 At si Moises ay may walong pung taon gulang, at si Aaron ay may walong pu't tatlong taong gulang nang sila'y magsalita kay Faraon.
8 At nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, 9 Pagsasalita ni Faraon sa inyo, na sasabihin, Magpakita kayo ng isang kababalaghan sa ganang inyo; ay iyo ngang sasabihin kay Aaron: Kunin mo ang iyong tungkod, at ihagis mo sa harap ni Faraon, na magiging isang ahas. 10 At si Moises at si Aaron ay naparoon kay Faraon, at kanilang ginawang gayon gaya ng iniutos ng Panginoon, at inihagis ni Aaron ang kaniyang tungkod sa harap ni Faraon at sa harap ng kaniyang mga lingkod at naging ahas. 11 Nang magkagayo'y tinawag naman ni Faraon ang mga marunong at ang mga manghuhula, at sila naman na mga mahiko sa Egipto, ay gumawa sa gayon ding paraan ng kanilang mga pag-enkanto. 12 Sapagka't inihagis ng bawa't isa ang kanikaniyang tungkod, at nangaging ahas: nguni't nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila. 13 At ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.
14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang puso ni Farao'y nagmatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan. 15 Pumaroon ka kay Faraon kinaumagahan; narito, siya'y pasasa tubig; at ikaw ay tatayo sa tabi ng ilog upang matagpuan mo siya; at ang tungkod na naging ahas ay iyong tatangnan sa iyong kamay. 16 At iyong sasabihin sa kaniya, Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, na sinasabi, Pahintulutan mong ang aking bayan ay yumaon, upang sila'y makapaglingkod sa akin sa ilang at, narito, hanggang ngayo'y hindi mo dininig. 17 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dito mo makikilala, na ako ang Panginoon: narito, aking papaluin ng tungkod, na nasa aking kamay, ang tubig, na nasa ilog at magiging dugo. 18 At ang mga isda, na nasa ilog ay mamamatay, at ang ilog ay babaho; at ang mga Egipcio ay masusuklam na uminom ng tubig sa ilog. 19 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Kunin mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Egipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bangbang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang mga maging dugo; at magkakadugo sa buong lupain ng Egipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.
20 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon; at kaniyang itinaas ang tungkod, at pinalo ang tubig, na nasa ilog, sa paningin ni Faraon, at sa paningin ng kaniyang mga lingkod; at ang lahat ng tubig, na nasa ilog ay naging dugo. 21 At ang isda, na nasa tubig ay namatay; at ang ilog ay bumaho at ang mga Egipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkadugo sa buong lupain ng Egipto. 22 At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto; at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon. 23 At si Faraon ay pumihit at umuwi sa kaniyang bahay, na hindi man lamang nabagbag ang kaniyang puso. 24 At lahat ng mga Egipcio ay humukay sa palibot ng ilog, upang makasumpong ng tubig na mainom; sapagka't sila'y hindi makainom ng tubig sa ilog.
25 At naganap ang pitong araw, pagkatapos na masalot ng Panginoon ang ilog.