1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Egipto, na sinasabi, 2 Ang buwang ito'y magiging sa inyo'y pasimula ng mga buwan: siyang magiging unang buwan ng taon sa inyo. 3 Salitain ninyo sa buong kapisanan ng Israel na inyong sabihin: Sa ikasangpung araw ng buwang ito ay magsisikuha sila sa ganang kanila, bawa't lalake, ng isang kordero, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, isang kordero sa bawa't sangbahayan: 4 At kung ang sangbahayan ay napakakaunti upang kumain ng isang kordero, ay siya nga at ang kaniyang malapit na kapitbahay ay magsasalosalo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; ayon sa bawa't tao na kumakain gagawin ninyo ang pagbilang, sa kordero. 5 Ang inyong korderong pipiliin ay yaong walang kapintasan, isang lalake, na iisahing taon: inyong kukunin sa mga tupa, o sa mga kambing: 6 At inyong aalagaan hanggang sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel, sa paglubog ng araw.
7 At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan. 8 At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay. 9 Huwag ninyong kaning hilaw, o luto man sa tubig, kundi inihaw sa apoy; ang kaniyang ulo pati ng kaniyang mga paa at pati ng kaniyang mga lamang loob. 10 At huwag kayong magtitira ng anoman niyaon hanggang sa kinaumagahan; kundi yaong matitira niyaon sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy. 11 At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon. 12 Sapagka't ako'y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, maging tao at maging hayop; at gagawa ako ng kahatulan laban sa lahat ng mga dios sa Egipto, ako ang Panginoon. 13 At ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, pananakit ko sa lupaing Egipto.
14 At ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdidiwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man. 15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura; sa unang araw ay inyong ihihiwalay sa inyong mga bahay ang lebadura; sapagka't sinomang kumain ng tinapay na may lebadura mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ihihiwalay sa Israel, ang taong yaon. 16 At sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagkakatipon at sa ikapitong araw man ay magkakaroon ding kayo ng isang banal na pagkakatipon; walang anomang gawa na gagawin sa mga araw na iyan, liban na yaong nararapat kanin ng bawa't tao, na siya lamang maaaring gawin ninyo. 17 At iyong ipangingilin ang pista ng tinapay na walang lebadura; sapagka't sa araw ring ito kinuha ko ang inyong mga hukbo sa lupain ng Egipto: kaya't inyong ipangingilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong lahi, na bilang tuntunin magpakailan man. 18 Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw. 19 Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka't sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain. 20 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.
21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matanda sa Israel, at sinabi sa kanila, Kayo'y lumabas at kumuha kayo ng mga kordero ayon sa inyo-inyong sangbahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskua. 22 At kayo'y kukuha ng isang bigkis na hisopo, at inyong babasain sa dugo, na nasa palanggana, at inyong papahiran ng dugo na nasa palanggana, ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto: at sinoman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan. 23 Sapagka't ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo. 24 At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man. 25 At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. 26 At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito? 27 Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.
28 At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila.
29 At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop. 30 At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka't walang bahay na di mayroong isang patay. 31 At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi. 32 Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako.
33 At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka't kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na. 34 At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat. 35 At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila'y humingi sa mga Egipcio ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit: 36 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa't ibinigay sa kanila anomang hingin nila. At kanilang hinubaran ang mga Egipcio.
37 At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Succoth, na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata. 38 At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop. 39 At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka't hindi pa humihilab, sapagka't sila'y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain.
40 Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, ay apat na raan at tatlong pung taon. 41 At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto. 42 Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi.
43 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Ito ang tuntunin sa paskua: walang sinomang taga ibang lupa na kakain niyaon: 44 Datapuwa't ang alipin ng bawa't lalake na nabili ng salapi, pagkatuli sa kaniya'y makakakain nga niyaon. 45 Ang nakikipamayan at ang alilang binabayaran ay hindi kakain niyaon. 46 Sa isang bahay kakanin; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni sisira kayo ng kahit isang buto niyaon. 47 Ipangingilin ng buong kapisanan ng Israel. 48 At pagka ang isang taga ibang lupa ay makikipamayan kasama mo, at mangingilin ng paskua sa Panginoon, ay tuliin lahat ang kaniyang mga lalake at saka siya lumapit at ipangilin: at siya'y magiging parang ipinanganak sa lupain ninyo; datapuwa't sinomang di tuli ay hindi makakakain niyaon. 49 Isang kautusan magkakaroon sa ipinanganak sa lupain, at sa taga ibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo.
50 Gayon ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon nila ginawa. 51 At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo.