1 Nang panahong yaon ay sinabi ng Panginoon sa akin, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya ng una, at sampahin mo ako sa bundok, at gumawa ka ng isang kaban na kahoy; 2 At aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban. 3 Sa gayo'y gumawa ako ng isang kaban na kahoy na akasia, at ako'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at ako'y sumampa sa bundok na aking dala sa aking kamay ang dalawang tapyas. 4 At kaniyang isinulat sa mga tapyas, ang ayon sa unang sulat, ang sangpung utos na sinalita ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang kaarawan ng kapulungan: at ang mga yaon ay ibinigay sa akin ng Panginoon. 5 At ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at nangandoon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.
6 (At ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Beerot Bene-ja-acan hanggang sa Mosera: doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing; at si Eleazar na kaniyang anak ay nangasiwa sa katungkulang saserdote na kahalili niya. 7 Mula roon ay naglakbay sila hanggang Gudgod; at mula sa Gudgod hanggang sa Jotbatha, na lupain ng mga batis ng tubig. 8 Nang panahong yaon ay inihiwalay ng Panginoon ang lipi ni Levi, upang magdala ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang tumayo sa harap ng Panginoon na mangasiwa sa kaniya, at upang magbasbas sa kaniyang pangalan hanggang sa araw na ito. 9 Kaya't ang Levi ay walang bahagi ni mana sa kasamahan ng kaniyang mga kapatid; ang Panginoo'y siyang kaniyang mana, ayon sa sinalita ng Panginoon mong Dios sa kaniya.)
10 At ako'y nalabi sa bundok, gaya ng una, na apat na pung araw at apat na pung gabi; at ako'y dininig din noon ng Panginoon; hindi ka lilipulin ng Panginoon. 11 At sinabi ng Panginoon sa akin, Tumindig ka, lumakad ka na manguna sa bayan; at sila'y papasok at kanilang aariin ang lupain, na aking isinumpa sa kanilang mga magulang upang ibigay sa kanila.
12 At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, kundi matakot ka sa Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo. 13 Na ganapin mo ang mga utos ng Panginoon, at ang kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito sa iyong ikabubuti? 14 Narito, sa Panginoon mong Dios nauukol ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, sangpu ng lahat na nangariyan. 15 Ang Panginoon ay nagkaroon lamang ng hilig sa iyong mga magulang na ibigin sila, at kaniyang pinili ang kanilang binhi pagkamatay nila, sa makatuwid baga'y kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito. 16 Tuliin nga ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo. 17 Sapagka't ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga panginoon, siyang dakilang Dios, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol. 18 Kaniyang hinahatulan ng matuwid ang ulila at babaing bao, at iniibig ang taga ibang lupa, na binibigyan niya ng pagkain at kasuutan. 19 Ibigin nga ninyo ang taga ibang lupa: sapagka't kayo'y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto. 20 Katatakutan mo ang Panginoon mong Dios; sa kaniya'y maglilingkod ka, at sa kaniya'y lalakip ka, at sa pamamagitan ng kaniyang pangalan susumpa ka. 21 Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Dios, na iginawa ka niya nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay, na nakita ng iyong mga mata. 22 Ang iyong mga magulang ay lumusong sa Egipto na may pitong pung tao; at ngayo'y ginawa ka ng Panginoon mong Dios na gaya ng mga bituin sa langit ang dami.