1 Nang unang taon ni Dario na anak ni Assuero, sa lahi ng mga taga Media, na ginawang hari sa kaharian ng mga taga Caldea; 2 Nang unang taon ng kaniyang paghahari akong si Daniel ay nakaunawa sa pamamagitan ng mga aklat, ng bilang ng mga taon, na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, dahil sa pagkaganap ng pagkasira ng Jerusalem, pitong pung taon.
3 At aking itiningin ang aking mukha sa Panginoong Dios upang humanap sa pamamagitan ng panalangin at ng mga samo, ng pagaayuno, at pananamit ng magaspang, at ng mga abo. 4 At ako'y nanalangin sa Panginoon kong Dios, at ako'y nagpahayag ng kasalanan, at nagsabi, Oh Panginoon, Dios na dakila at kakilakilabot, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa iyo at nangagiingat ng iyong mga utos, 5 Kami ay nangagkasala, at nangagasal ng kasuwalian, at nagsigawang may kasamaan, at nanganghimagsik, sa makatuwid baga'y nagsitalikod sa iyong mga utos at sa iyong mga kahatulan; 6 Na hindi man kami nangakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, at sa buong bayan ng lupain. 7 Oh Panginoon, katuwira'y ukol sa iyo, nguni't sa amin ay pagkagulo ng mukha gaya sa araw na ito; sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa buong Israel, na malapit, at malayo, sa lahat na lupain na iyong pinagtabuyan dahil sa kanilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa iyo. 8 Oh Panginoon, sa amin nauukol ang pagkagulo ng mukha, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, sapagka't kami ay nangagkasala laban sa iyo. 9 Sa Panginoon naming Dios ukol ang kaawaan at kapatawaran; sapagka't kami ay nanganghimagsik laban sa kaniya; 10 Ni hindi man namin tinalima ang tinig ng Panginoon naming Dios, upang lumakad ng ayon sa kaniyang mga kautusan, na kaniyang inilagay sa harap namin sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na propeta. 11 Oo, buong Israel ay sumalangsang ng iyong kautusan, sa pagtalikod, upang huwag nilang talimahin ang iyong tinig: kaya't ang sumpa ay nabuhos sa amin, at ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Dios; sapagka't kami ay nangagkasala laban sa kaniya. 12 At kaniyang pinagtibay ang kaniyang mga salita, na kaniyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga hukom na nagsihatol sa amin, sa pagbabagsak sa amin ng malaking kasamaan; sapagka't sa silong ng buong langit ay hindi ginawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem. 13 Kung ano ang nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kasamaang ito'y nagsidating sa amin: gayon ma'y hindi namin idinalangin ang biyaya ng Panginoon naming Dios, upang aming talikuran ang aming mga kasamaan, at gunitain ang iyong katotohanan. 14 Kaya't iniingatan ng Panginoon ang kasamaan, at ibinagsak sa amin; sapagka't ang Panginoon naming Dios ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga gawa na kaniyang ginagawa, at hindi namin dininig ang kaniyang tinig. 15 At ngayon, Oh Panginoon naming Dios, na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ikaw ay nabantog gaya sa araw na ito; kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa na may kasamaan.
16 Oh Panginoon, ayon sa iyong buong katuwiran, isinasamo ko sa iyo, na ang iyong galit at kapusukan ay mahiwalay sa iyong bayang Jerusalem, na iyong banal na bundok; sapagka't dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang iyong bayan ay naging kakutyaan sa lahat na nangasa palibot namin. 17 Kaya nga, Oh aming Dios, iyong dinggin ang panalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang mga samo, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuario na sira, alangalang sa Panginoon. 18 Oh Dios ko, ikiling mo ang iyong tainga, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga kasiraan, at ang bayan na tinatawag sa iyong pangalan: sapagka't hindi namin inihaharap ang aming mga samo sa harap mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang mga kaawaan. 19 Oh Panginoon, dinggin mo; Oh Panginoon, patawarin mo; Oh Panginoon, iyong pakinggan at gawin; huwag mong ipagpaliban, alangalang sa iyong sarili, Oh Dios ko, sapagka't ang iyong bayan at ang iyong mga tao ay tinatawag sa iyong pangalan.
20 At samantalang ako'y nagsasalita, at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harap ng Panginoon kong Dios dahil sa banal na bundok ng aking Dios; 21 Oo, samantalang ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, na pinalipad ng maliksi, hinipo ako sa panahon ng pagaalay sa hapon. 22 At kaniya akong tinuruan, at nakipagsalitaan sa akin, at nagsabi, Oh Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at kaunawaan. 23 Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang utos, at ako'y naparito upang saysayin sa iyo; sapagka't ikaw ay totoong minahal: kaya't gunitain mo ang bagay, at unawain mo ang pangitain.
24 Pitong pung sanglinggo ang ipinasiya sa iyong mga tao at sa iyong banal na bayan, upang tapusin ang pagsalangsang, at upang wakasan ang pagkakasala, at upang linisin sa kasamaan, at upang dalhan ng walang hanggang katuwiran, at upang tatakan ang pangitain at ang panghuhula, at upang pahiran ang kabanalbanalan. 25 Iyo ngang talastasin at bulayin, na mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem sa pinahiran na prinsipe, magiging pitong sanglinggo, at anim na pu't dalawang sanglinggo: ito'y matatayo uli, na may lansangan at kuta, sa makatuwid baga'y sa mga panahong mabagabag. 26 At pagkatapos ng anim na pu't dalawang sanglinggo, mahihiwalay ang pinahiran, at mawawalaan ng anoman: at gigibain ang bayan at ang santuario ng mga tao ng prinsipeng darating; at ang wakas niyaon ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa wakas ay magkakaroon ng digma; mga pagkasira ay ipinasiya na. 27 At pagtitibayin niya ang tipan sa marami sa isang sanglinggo: at sa kalahati ng sanglinggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay paroroon ang isang maninira; at hanggang sa wakas, at pagkapasiya ay mabubuhos ang poot sa maninira.