1 Nang panahon ngang yaon ay iniunat ni Herodes ang kaniyang mga kamay upang pahirapan ang ilan sa iglesia. 2 At pinatay niya sa tabak si Santiago na kapatid ni Juan. 3 At nang makita niya na ito'y ikinatutuwa ng mga Judio, ay kaniya namang ipinagpatuloy na hulihin si Pedro. At noo'y mga araw ng mga tinapay na walang lebadura. 4 At nang siya'y mahuli na niya, ay kaniyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na tigaapat na kawal upang siya'y bantayan; na inaakalang siya'y iharap sa bayan pagkatapos ng Paskua. 5 Kaya nga't si Pedro ay iningatan sa bilangguan: datapuwa't ang iglesia ay maningas na dumalangin sa Dios patungkol sa kaniya.
6 At nang siya'y malapit nang ilabas ni Herodes, nang gabi ring yaon ay natutulog si Pedro sa gitna ng dalawang kawal, na nagagapos ng dalawang tanikala: at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nangagbabantay ng bilangguan. 7 At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon, at lumiwanag ang isang ilaw sa silid na kulungan: at tinapik si Pedro sa tagiliran, at siya'y ginising, na sinasabi, Magbangon kang madali. At nangalaglag ang kaniyang mga tanikala sa kaniyang mga kamay. 8 At sinabi sa kaniya ng anghel, Magbigkis ka, at itali mo ang iyong mga pangyapak. At gayon ang ginawa niya. At sinabi niya sa kaniya. Isuot mo sa iyo ang damit mo, at sumunod ka sa akin. 9 At siya'y lumabas, at sumunod; at hindi niya nalalaman kung tunay ang ginawa ng anghel kundi ang isip niya'y nakakita siya ng isang pangitain. 10 At nang kanilang maraanan na ang una at ang pangalawang bantay, ay nagsirating sila sa pintuang-bakal na patungo sa bayan; na kusang nabuksan sa kanila: at sila'y nagsilabas, at nangagpatuloy sa isang lansangan; at pagdaka'y humiwalay sa kaniya ang anghel. 11 At nang si Pedro ay pagsaulian ng isip, ay kaniyang sinabi, Ngayo'y nalalaman kong sa katotohanan ay sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa buong pagasa ng bayan ng mga Judio.
12 At nang siya'y makapagnilay na, ay naparoon siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na may pamagat na Marcos; na kinaroroonan ng maraming nangagkakatipon at nagsisipanalangin. 13 At nang siya'y tumuktok sa pintuang-daan, ay lumabas upang sumagot, ang isang dalagang nagngangalang Rode. 14 At nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi nagtakbo sa loob, ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan. 15 At kanilang sinabi sa kaniya, Nauulol ka. Datapuwa't buong tiwala niyang pinatunayan na gayon nga. At kanilang sinabi, na yao'y kaniyang anghel. 16 Datapuwa't nanatili si Pedro nang pagtuktok: at nang kanilang buksan, ay nakita nila siya, at sila'y nangamangha. 17 Datapuwa't siya, nang mahudyatan sila ng kaniyang kamay na sila'y tumahimik, ay isinaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid. At siya'y umalis, at napasa ibang dako.
18 Nang maguumaga na ay hindi kakaunti ang kaguluhang nangyari sa mga kawal, tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro. 19 At nang siya'y maipahanap na ni Herodes, at hindi siya nasumpungan, ay siniyasat niya ang mga bantay, at ipinagutos na sila'y patayin. At siya buhat sa Judea ay lumusong sa Cesarea, at doon tumira.
20 At galit na galit nga si Herodes sa mga taga Tiro at taga Sidon: at sila'y nangagkaisang pumaroon sa kaniya, at, nang makaibigan na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinamanhik ang pagkakasundo, sapagka't ang lupain nila'y pinakakain ng lupain ng hari. 21 At isang takdang araw ay nagsuot si Herodes ng damit-hari, at naupo sa luklukan, at sa kanila'y tumalumpati. 22 At ang bayan ay sumigaw, Tinig ng dios, at hindi ng tao. 23 At pagdaka'y sinaktan siya ng isang anghel ng Panginoon, sapagka't hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Dios: at siya'y kinain ng mga uod, at nalagot ang hininga.
24 Datapuwa't lumago ang salita ng Dios at dumami.
25 At nagbalik na galing sa Jerusalem si Bernabe at si Saulo, nang maganap na nila ang kanilang ministerio, na kanilang isinama si Juan na may pamagat na Marcos.