1 Ikaw nga, anak ko, magpakalakas ka sa biyayang nasa kay Cristo Jesus. 2 At ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na makapagtuturo naman sa mga iba. 3 Makipagtiis ka sa akin ng mga kahirapan, na gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus. 4 Sinomang kawal na nasa pagkakawal ay hindi nahalubilo sa mga bagay ng buhay na ito; upang siya'y kalugdan niyaong nagtala sa pagkakawal. 5 At kung ang sinoman ay makikipaglaban naman sa mga laro, ay hindi pinuputungan maliban na kung makipaglabang matuwid. 6 Ang magsasaka na nagpapagal ay siyang kailangang unang makabahagi sa mga bunga. 7 Isipin mo ang sinasabi ko; sapagka't bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.
8 Alalahanin mo si Jesucristo na muling nabuhay sa mga patay, sa binhi ni David, ayon sa aking evangelio: 9 Na siyang pinagtitiisan ko ng kahirapan sa mga tanikala, na tulad sa tampalasan; nguni't ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan. 10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
11 Tapat ang pasabi: Sapagka't kung tayo'y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya: 12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo:
13 Kung tayo'y hindi mga tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagka't hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili.
14 Ipaalaala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan sa paningin ng Panginoon, na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salitaan na hindi mapapakinabangan, sa ikapapahamak ng mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan. 16 Datapuwa't ilagan mo ang mga usapang walang kabuluhan: sapagka't sila'y lalong magpapatuloy sa kasamaan, 17 At ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena: na sa mga ito ay si Himeneo at si Fileto; 18 Na mga taong tungkol sa katotohanan ay nangasinsay, na sinasabing ang pagkabuhay na maguli ay nakaraan na, at ginugulo ang pananampalataya ng iba. 19 Gayon ma'y ang matibay na pinagsasaligan ng Dios ay nananatili na may tatak nito, Nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya: at, Lumayo sa kalikuan ang bawa't isa na sumasambitla ng pangalan ng Panginoon.
20 Datapuwa't sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga sisidlang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at lupa; at ang iba'y sa ikapupuri, at ang iba'y sa ikasisirang-puri. 21 Kung ang sinoman nga ay malinis sa alin man sa mga ito, ay magiging sisidlang ikapupuri, pinakabanal, marapat gamitin ng mayari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti.
22 Datapuwa't layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pagibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis. 23 Nguni't tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ng mga pagtatalo. 24 At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo, kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin, 25 Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan, 26 At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.