1 At nagkaroon ng kagutom sa mga kaarawan ni David na taon taon, sa tatlong taon; at hinanap ni David ang mukha ng Panginoon. At sinabi ng Panginoon, Dahil kay Saul, at dahil sa kaniyang salaring sangbahayan, sapagka't kaniyang pinatay ang mga Gabaonita. 2 At tinawag ng hari ang mga Gabaonita at sinabi sa kanila; (ang mga Gabaonita nga ay hindi sa mga anak ni Israel, kundi sa nalabi sa mga Amorrheo; at ang mga anak ni Israel ay nagsisumpa sa kanila: at pinagsikapan ni Saul na patayin sa kaniyang sikap dahil sa mga anak ni Israel at Juda:) 3 At sinabi ni David sa mga Gabaonita, Ano ang gagawin ko sa inyo? at ano ang itutubos ko, upang inyong basbasan ang mana ng Panginoon? 4 At sinabi ng mga Gabaonita sa kaniya, Hindi kabagayan ng pilak o ginto sa amin at kay Saul, o sa kaniyang sangbahayan; kahit sa amin ang pumatay ng sinomang tao sa Israel. At kaniyang sinabi, Ano ang inyong sasabihin, na aking gagawin sa inyo? 5 At kanilang sinabi sa hari, Ang lalake na pumupugnaw sa amin, at yaong nagbabanta laban sa amin, na kami ay malipol sa pagtahan sa alinman sa mga hangganan ng Israel, 6 Ay ibigay sa amin ang pito sa kaniyang mga anak, at aming ibibitin sa Panginoon sa Gabaa ni Saul na pinili ng Panginoon. At sinabi ng hari, Aking ibibigay sila.
7 Nguni't ang hari ay nanghinayang kay Mephiboseth na anak ni Jonathan na anak ni Saul, dahil sa sumpa ng Panginoon na namamagitan sa kanila, kay David at kay Jonathan na anak ni Saul. 8 Nguni't kinuha ng hari ang dalawang anak ni Rispa, na anak ni Aja, na kaniyang ipinanganak kay Saul, si Armoni at si Mephiboseth; at ang limang anak ni Michal na anak na babae ni Saul na kaniyang ipinanganak kay Adriel na anak ni Barzillai, na Molathita: 9 At ibinigay niya sila sa mga kamay ng mga Gabaonita at mga ibinitin nila sa bundok sa harap ng Panginoon, at nangabuwal ang pito na magkakasama. At sila'y pinatay sa mga kaarawan ng pagaani, sa mga unang araw, sa pasimula ng pagaani ng sebada.
10 At kumuha si Rispa na anak ni Aja ng isang magaspang na kayong damit, at inilatag niya sa ibabaw ng bato, mula sa pasimula ng pagaani hanggang sa ang tubig ay nabuhos sa mga yaon na mula sa langit; at hindi niya tiniis sa araw na dapuan yaon ng mga ibon sa himpapawid, o lapitan man sa gabi ng mga hayop sa parang. 11 At nasaysay kay David ang ginawa ni Rispa na anak ni Aja, na babae ni Saul. 12 At yumaon at kinuha ni David ang mga buto ni Saul at ang mga buto ni Jonathan na kaniyang anak sa mga lalake ng Jabes-galaad, na siyang nagsipagnakaw ng mga yaon sa daan ng Beth-san, na doon sila ibinitin ng mga Filisteo nang araw na patayin ng mga Filisteo si Saul sa Gilboa: 13 At kaniyang iniahon mula roon ang mga buto ni Saul at ang mga buto ni Jonathan na kaniyang anak; at kanilang pinisan ang mga buto ng mga ibinitin. 14 At kanilang ibinaon ang mga buto ni Saul at ni Jonathan na kaniyang anak sa lupain ng Benjamin sa Sela sa libingan ni Cis na kaniyang ama: at kanilang tinupad yaong lahat na iniutos ng hari. At pagkatapos ang Dios ay nadalanginan dahil sa lupain.
15 At ang mga Filisteo ay nagkaroon ng pakikidigma uli sa Israel; at si David ay lumusong, at ang kaniyang mga lingkod na kasama niya, at nangakipagbaka laban sa mga Filisteo. At si David ay napagod. 16 At si Isbi-benob, na sa mga anak ng higante; na ang bigat ng sibat niya ay tatlong daang siklong tanso, na palibhasa'y nabibigkisan ng bagong tabak ay nagmunukalang patayin si David. 17 Nguni't sinaklolohan siya ni Abisai na anak ni Sarvia, at sinaktan ang Filisteo, at pinatay niya. Nang magkagayo'y nagsisumpa sa kaniya ang mga lalake ni David, na nangagsasabi, Hindi ka na lalabas pa na kasama namin sa pakikipagbaka, upang huwag mong patayin ang tanglaw ng Israel.
18 At nangyari, pagkatapos nito, na nagkaroon uli ng pakikidigma sa mga Filisteo sa Gob; nang magkagayo'y sinaktan ni Sibechai na Husathita si Saph, na sa mga anak ng higante. 19 At nagkaroon uli ng pakikidigma sa mga Filisteo sa Gob; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare-oregim, na Bethlehemita, si Goliath na Getheo, na ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi. 20 At nagkaroon uli ng pakikipagbaka sa Gath, na doo'y may isang lalaking lubhang mataas, na mayroon sa bawa't kamay na anim na daliri, at sa bawa't paa'y anim na daliri, na dalawang pu't apat sa bilang: at siya ay ipinanganak din sa higante. 21 At nang kaniyang hamunin ang Israel, ay pinatay siya ni Jonathan na anak ni Sima na kapatid ni David. 22 Ang apat na ito ay ipinanganak sa higante sa Gath; nangabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at ng kamay ng kaniyang mga lingkod.