1 Sa aba niya na mapanghimagsik at nadumhan! ng mapagpighating kamay! 2 Siya'y hindi sumunod sa tinig; siya'y hindi napasaway; siya'y hindi tumiwala sa Panginoon; siya'y hindi lumapit sa kaniyang Dios.
3 Ang mga prinsipe niya sa gitna niya ay mga leong nagsisiungal; ang mga hukom niya ay mga lobo sa gabi; sila'y walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan. 4 Ang kaniyang mga propeta ay mga walang kabuluhan at mga taong taksil; nilapastangan ng kaniyang mga saserdote ang santuario, sila'y nagsigawa ng pangdadahas sa aking kautusan. 5 Ang Panginoon sa gitna niya ay matuwid; siya'y hindi gagawa ng kasamaan; tuwing umaga'y kaniyang ipinaliliwanag ang kaniyang matuwid na kahatulan, siya'y hindi nagkukulang; nguni't ang hindi ganap ay hindi nakakaalam ng kahihiyan.
6 Ako'y naghiwalay ng mga bansa; ang kanilang mga kuta ay sira; aking iniwasak ang kanilang mga lansangan, na anopa't walang makaraan; ang kanilang mga bayan ay giba, na anopa't walang tao, na anopa't walang tumatahan. 7 Aking sinabi, Matakot ka lamang sa akin; tumanggap ng pagsaway; sa gayo'y ang kaniyang tahanan ay hindi mahihiwalay, ayon sa lahat na aking itinakda sa kaniya: nguni't sila'y bumangong maaga, at kanilang sinira ang lahat nilang gawa.
8 Kaya't hintayin ninyo ako, sabi ng Panginoon, hanggang sa kaarawan na ako'y bumangon sa panghuhuli; sapagka't ang aking pasiya ay pisanin ang mga bansa, upang aking mapisan ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking kagalitan, sa makatuwid baga'y ang aking buong mabangis na galit; sapagka't ang buong lupa ay sasakmalin, ng silakbo ng aking paninibugho.
9 Sapagka't akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ng Panginoon; na paglingkuran siya na may pagkakaisa. 10 Mula sa dako roon ng mga ilog ng Etiopia, ang mga nagsisipamanhik sa akin, sa makatuwid baga'y ang anak na babae ng aking pinapangalat, ay magdadala ng handog sa akin.
11 Sa araw na yao'y hindi ka mapapahiya ng dahil sa lahat ng iyong gawa, na iyong isinalangsang laban sa akin; sapagka't kung magkagayon aking aalisin sa gitna mo ang iyong nangagpapalalong nagsasaya, at hindi ka na magpapalalo pa sa aking banal na bundok. 12 Nguni't aking iiwan sa gitna mo ang isang nagdadalamhati at maralitang bayan, at sila'y magsisitiwala sa pangalan ng Panginoon. 13 Ang nalabi sa Israel ay hindi gagawa ng kasamaan, ni magsasalita man ng mga kabulaanan; ni masusumpungan man ang isang magdarayang dila sa kanilang bibig; sapagka't sila'y magsisikain at magsisihiga, at walang takot sa kanila.
14 Umawit ka, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka; Oh Israel; ikaw ay matuwa at magalak ng buong puso, Oh anak na babae ng Jerusalem. 15 Inalis ng Panginoon ang mga kahatulan sa iyo, kaniyang iniwaksi ang iyong kaaway: ang hari sa Israel, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ay nasa gitna mo; hindi ka na matatakot pa sa kasamaan. 16 Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem; Huwag kang matakot; Oh Sion, huwag manghina ang iyong mga kamay. 17 Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, na makapangyarihan na magliligtas; siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; siya'y magpapahinga sa kaniyang pagibig; siya'y magagalak sa iyo na may pagawit. 18 Aking pipisanin yaong nangamamanglaw dahil sa takdang kapulungan, na sila'y mga naging iyo; na ang pasan sa kaniya ay isang kakutyaan. 19 Narito, sa panahong yao'y aking parurusahan ang lahat na mga dumadalamhati sa iyo: at aking ililigtas ang napipilay, at aking pipisanin ang pinalayas; at aking gagawin silang kapurihan at kabantugan, na ang kahihiyan nila ay napasa buong lupa. 20 Sa panahong yao'y aking ipapasok kayo, at sa panahong yao'y aking pipisanin kayo; sapagka't aking gagawin kayong kabantugan at kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, pagka aking ibinalik kayo sa harap ng inyong mga mata mula sa inyong pagkabihag sabi ng Panginoon.