1 Oh Dios, ang mga bansa ay dumating sa iyong mana; ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan; kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem. 2 Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa. 3 Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem; at walang naglibing sa kanila. 4 Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit, kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.
5 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man? Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy? 6 Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan. 7 Sapagka't kanilang nilamon ang Jacob, at inilagay na sira ang kaniyang tahanan.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang: magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami: sapagka't kami ay totoong hinamak. 9 Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, dahil sa iyong pangalan. 10 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ang kanilang Dios? Ang kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.
11 Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag; ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan: 12 At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa makapito sa kanilang sinapupunan, ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon. 13 Sa gayo'y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.