1 At muling sinambit ni Job ang kaniyang talinhaga, at nagsabi,
2 Buhay ang Dios, na siyang nagalis ng aking katuwiran, at ang Makapangyarihan sa lahat na siyang nagpapanglaw ng aking kaluluwa; 3 (Sapagka't ang aking buhay ay buo pa sa akin, at ang espiritu ng Dios ay nasa mga butas ng aking ilong); 4 Tunay na ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kalikuan, ni ang aking dila man ay magsasaysay ng karayaan. 5 Malayo nawa sa aking kayo'y ariin kong ganap: Hanggang sa ako'y mamatay ay hindi ko aalisin sa akin ang aking pagtatapat. 6 Ang aking katuwiran ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan: hindi ako aalipustain ng aking puso habang ako'y buhay.
7 Ang aking kaaway ay maging gaya nawa ng masama, at ang bumangon laban sa akin ay maging gaya nawa ng liko. 8 Sapagka't ano ang pagasa ng di banal, bagaman siya'y makikinabang sa kaniya, pagka kinuha ng Dios ang kaniyang kaluluwa? 9 Didinggin ba ng Dios ang kaniyang iyak, pagka ang kabagabagan ay dumating sa kaniya? 10 Makapagsasaya ba siya sa Makapangyarihan sa lahat, at tatawag sa Dios sa lahat ng mga panahon? 11 Aking tuturuan kayo ng tungkol sa kamay ng Dios; ang nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko ililihim. 12 Narito, kayong lahat ay nangakakita; bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?
13 Ito ang bahagi ng masamang tao sa Dios, at ang mana ng mga mamimighati, na kanilang tinatanggap sa Makapangyarihan sa lahat. 14 Kung ang kaniyang mga anak ay dumami, ay para sa tabak, at ang kaniyang lahi ay hindi mabubusog ng tinapay. 15 Yaong nangaiwan sa kaniya ay mangalilibing sa kamatayan, at ang kaniyang mga bao ay hindi magsisipanaghoy. 16 Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok, at maghahanda ng bihisan na parang putik; 17 Maihahanda niya, nguni't ang ganap ang magsusuot niyaon. At babahagihin ng walang sala ang pilak. 18 Siya'y nagtatayo ng kaniyang bahay na gaya ng tanga, at gaya ng isang bantayan na ginagawa ng bantay. 19 Siya'y nahihigang mayaman, nguni't hindi siya pupulutin; kaniyang ididilat ang kaniyang mga mata, nguni't wala na siya. 20 Mga kakilabutan ang tumatabon sa kaniya na gaya ng tubig; bagyo ang umaagaw sa kaniya sa kinagabihan, 21 Tinangay siya ng hanging silanganan, at siya'y nananaw; at pinapalis siya sa kaniyang kinaroroonang dako. 22 Sapagka't hahalibasin siya ng Dios, at hindi magpapatawad; siya'y magpupumilit na tumakas sa kaniyang kamay. 23 Ipapakpak ng mga tao ang kanilang mga kamay sa kaniya. At hihiyawan siya mula sa kaniyang kinaroroonang dako.