1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Tulutan mong yumaon ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila. 2 At kung ayaw mo silang payaunin, ay narito, aking sasalutin ng mga palaka ang inyong buong lupain: 3 At ang ilog ay mapupuno ng mga palaka, na magsisiahon at magsisipasok sa iyong bahay, at sa iyong tulugan, at sa iyong higaan, at sa bahay ng iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa iyong mga hurno, at sa iyong mga masa ng tinapay. 4 At kapuwa aakyatin ng mga palaka ikaw at ang iyong bayan, at lahat ng iyong mga lingkod. 5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Iunat mo ang iyong kamay pati ng iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bangbang, at sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Egipto. 6 At iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay sa tubig sa Egipto; at ang mga palaka ay nagsiahon, at tinakpan ang lupain ng Egipto. 7 At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon din sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Egipto.
8 Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Manalangin kayo sa Panginoon, na alisin ang mga palaka sa akin, at sa aking bayan; at aking tutulutang yumaon, ang bayan upang sila'y makapaghain sa Panginoon. 9 At sinabi ni Moises kay Faraon, Magkaroon ka ng kaluwalhatiang ito sa akin: anong oras isasamo kita, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan, upang ang mga palaka ay malipol sa iyo at sa iyong mga bahay, at mangatira na lamang sa ilog? 10 At kaniyang sinabi, Sa kinabukasan. At sinabi ni Moises, Mangyayari ayon sa iyong salita: upang iyong maalaman na walang gaya ng Panginoon naming Dios. 11 At ang mga palaka ay magsisialis sa iyo, at sa iyong bahay, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mangatitira na lamang sa ilog. 12 At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ni Faraon: at si Moises ay dumaing sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kaniyang dinala kay Faraon. 13 At ginawa ng Panginoon ayon sa salita ni Moises, at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga parang. 14 At kanilang pinagpisan sa buntonbunton: at ang lupa ay bumaho. 15 Nguni't nang makita ni Faraon na may pahinga ay pinapagmatigas ang kaniyang puso, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.