1 Nangyari nga, nang ikatlong araw, na nagsuot si Esther ng kaniyang bihisang pagkareina, at tumayo sa pinakaloob ng bahay ng hari, sa tapat ng bahay-hari; at ang hari ay naupo sa kaniyang luklukang hari sa bahay-hari, sa tapat ng pasukan sa bahay. 2 At nagkagayon, nang makita ng hari si Esther na reina na nakatayo sa looban, na siya'y nagtamo ng biyaya sa kaniyang paningin: at inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro na nasa kaniyang kamay. Sa gayo'y lumapit si Esther, at hinipo ang dulo ng cetro. 3 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa kaniya, Anong ibig mo, reina Esther? at ano ang iyong hiling? mabibigay sa iyo kahit kalahati ng kaharian. 4 At sinabi ni Esther, Kung inaakalang mabuti ng hari, pumaroon sa araw na ito ang hari at si Aman sa pigingan na aking inihanda sa kaniya. 5 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Papagmadaliin si Aman upang magawa ang gaya ng sinabi ni Esther. Sa gayo'y naparoon ang hari at si Aman sa pigingan na inihanda ni Esther. 6 At sinabi ng hari kay Esther sa pigingan ng alak: Ano ang iyong hingi? at ipagkakaloob sa iyo at ano ang iyong hiling? kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob. 7 Nang magkagayo'y sumagot si Esther, at nagsabi, Ang aking hingi at ang aking hiling ay ito; 8 Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking hingi, at gawin ang aking hiling, na pumaroon ang hari at si Aman sa pigingan na aking ihahanda sa kanila, at aking gagawin bukas na gaya ng sinabi ng hari.