1 Nangyari nga, sa mga kaarawan ni Assuero, (ito ang Assuero na naghari, mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan:) 2 Na sa mga kaarawang yaon, nang maupo ang haring Assuero sa luklukan ng kaniyang kaharian, na nasa Susan na bahay-hari, 3 Sa ikatlong taon ng kaniyang paghahari, siya'y gumawa ng isang kapistahan sa kaniyang lahat na mga prinsipe, at mga lingkod niya; ang kapangyarihan ng Persia at Media, ang mga mahal na tao at mga prinsipe, ng mga lalawigan ay nangasa harap nga niya: 4 Nang kaniyang ipakita ang mga kayamanan ng kaniyang maluwalhating kaharian at ang karangalan ng kaniyang marilag na kamahalan na malaong araw, na isang daan at walong pung araw. 5 At nang maganap ang mga kaarawang ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan sa buong bayan na nangasa Susan na bahay-hari sa mataas at gayon din sa mababa, na pitong araw, sa looban ng halamanan ng bahay ng hari; 6 Na may tabing na kayong puti, verde, at bughaw, na naiipit ng mga panaling mainam na lino at ng kulay ube sa mga singsing na pilak at mga haliging marmol: na ang mga hiligan ay ginto at pilak, sa isang lapag na mapula, at maputi, at madilaw, at maitim na marmol. 7 At sila'y nangagbigay sa kanila ng inumin sa mga sisidlang ginto, (na ang mga sisidlan ay magkakaiba,) at saganang alak hari, ayon sa kasaganaan ng hari. 8 At ang paginom ay ayon sa kautusan; walang pagpilit: sapagka't gayon ibinilin ng hari sa lahat na pinuno ng kaniyang bahay, na kanilang gawin ayon sa kalooban ng bawa't isa. 9 Si Vasthi na reina naman ay nagdaos ng kapistahan sa mga babae sa bahay-hari na ukol sa haring Assuero.