15 Sa gayo'y natapos ang kuta sa ikadalawang pu't limang araw ng buwan ng Elul, sa limang pu't dalawang araw. 16 At nangyari, nang mabalitaan ng lahat naming mga kaaway, na ang lahat ng mga bansa na nangasa palibot namin ay nangatakot, at nangalumatang mainam: sapagka't kanilang nahalata na ang gawang ito ay gawa ng aming Dios. 17 Bukod dito'y sa mga araw na yao'y ang mga mahal na tao sa Juda ay nangagpadala ng maraming sulat kay Tobias at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila. 18 Sapagka't marami sa Juda na nanganumpa sa kaniya, sapagka't siya'y manugang ni Sechanias na anak ni Arah; at ang kaniyang anak na si Johanan ay nagasawa sa anak na babae ni Mesullam na anak ni Berechias. 19 Sila nama'y nangagsalita ng kaniyang mga mabuting gawa sa harap ko, at ibinalita ang aking mga salita sa kaniya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang sidlan ako ng katakutan.
1 Nangyari nga nang ang kuta ay maitayo, at aking mailagay ang mga pinto, at ang mga tagatanod-pinto, at ang mga mangaawit, at ang mga Levita ay mangahalal. 2 Na aking ibinigay kay Hanani, na aking kapatid at kay Hananias na tagapamahala ng kuta, ang pamamahala sa Jerusalem: sapagka't siya'y tapat na lalake at natatakot sa Dios na higit kay sa marami. 3 At aking sinabi sa kanila, Huwag buksan ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem hanggang sa ang araw ay uminit; at samantalang sila'y nangagbabantay, isara nila ang mga pinto, at inyong mga itrangka: at kayo'y mangaghalal ng mga bantay sa mga taga Jerusalem, bawa't isa'y sa kaniyang pagbabantay, at bawa't isa'y sa tapat ng kaniyang bahay. 4 Ang bayan nga ay maluwang at malaki: nguni't ang mga tao ay kakaunti roon, at ang mga bahay ay hindi naitatayo pa.