1 Nguni't nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinayo ang kuta, siya'y naginit, at nagalit na mainam, at tinuya ang mga Judio. 2 At siya'y nagsalita sa harap ng kaniyang mga kapatid, at ng hukbo ng Samaria, at nagsabi, Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? magpapakatibay ba sila? mangaghahain ba sila? wawakasan ba nila sa isang araw? kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng dumi, dangang nangasunog na ang mga yaon? 3 Si Tobias nga na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, Bagaman sila'y nangagtatayo, kung ang isang zorra ay sumampa, ibabagsak ang kanilang mga batong kuta. 4 Dinggin mo, Oh aming Dios: sapagka't kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pagdusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa pagkasamsam sa isang lupain sa pagkabihag: 5 At huwag mong ikubli ang kanilang kasamaan, at huwag mong pawiin ang kanilang kasalanan sa harap mo: sapagka't kanilang minungkahi ka sa galit sa harap ng mga manggagawa.
6 Sa gayo'y aming itinayo ang kuta; at ang buong kuta ay nahusay hanggang sa kalahatian ng taas niyaon: sapagka't ang bayan ay nagkaroon ng kaloobang gumawa.
7 Nguni't nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat, at ni Tobias, at ng mga taga Arabia, at ng mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na ipinatuloy ang paghuhusay ng mga kuta ng Jerusalem, at ang mga sira ay pinasimulang tinakpan, sila nga'y nangaginit na mainam; 8 At nagsipagbanta silang lahat na magkakasama upang magsiparoon, at magsilaban sa Jerusalem, at upang manggulo roon. 9 Nguni't kami ay nagsidalangin sa aming Dios, at naglagay ng bantay laban sa kanila araw at gabi, dahil sa kanila.
10 At ang Juda ay nagsabi, Nawalan ng lakas ang mga tagadala ng mga pasan, at may maraming dumi; na anopa't hindi kami makapagtayo ng kuta. 11 At sinabi ng aming mga kalaban: Sila'y hindi mangakakaalam, o mangakakakita man hanggang sa kami ay magsidating sa gitna nila, at patayin sila, at ipatigil ang gawain. 12 At nangyari, na nang magsidating ang mga Judio na nagsisitahan sa siping nila, sinabi nila sa aming makasangpu, mula sa lahat na dako: Kayo'y marapat magsibalik sa amin. 13 Kaya't inilagay ko sa mga pinakamababang dako ng pagitan ng likuran ng kuta, sa mga luwal na dako, sa makatuwid baga'y aking inilagay ang bayan ayon sa kanilang mga angkan, pati ng kanilang mga tabak, ng kanilang mga sibat, at ng kanilang mga busog. 14 At ako'y tumingin, at tumayo, at nagsabi sa mga mahal na tao, at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Huwag kayong mangatakot sa kanila: inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kakilakilabot, at ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalake at babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga bahay.