18 At si Moises ay yumaon, at bumalik kay Jethro na kaniyang biyanan, at nagsabi sa kaniya, Pahintulutan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at bumalik sa aking mga kapatid na nasa Egipto, at titingnan ko, kung sila'y nabubuhay pa. At sinabi ni Jethro kay Moises, Yumaon kang payapa. 19 At sinabi ng Panginoon kay Moises sa Madian, Yumaon ka, bumalik ka sa Egipto: sapagka't namatay na ang lahat ng tao, na nagmimithi ng iyong buhay. 20 At ipinagsama ni Moises ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, at kaniyang ipinagsasakay sa isang asno, at siya'y bumalik sa lupain ng Egipto: at tinangnan ni Moises ang tungkod ng Dios sa kaniyang kamay.
21 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pagkabalik mo sa Egipto, iyong gawin nga sa harap ni Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking itiniwala sa iyong kamay: datapuwa't aking papagmamatigasin ang kaniyang puso, at hindi niya tutulutang yumaon ang bayan. 22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay aking anak, aking panganay: 23 At aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya'y makapaglingkod sa akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.
24 At nangyari sa daan, sa dakong panuluyanan, na sinalubong ng Panginoon siya, at pinagsikapang patayin siya. 25 Nang magkagayo'y sumunggab si Sephora ng isang batong matalim, at pinutol ang balat ng masama ng kaniyang anak, at inihagis sa kaniyang paanan; at kaniyang sinabi, Tunay na ikaw sa akin ay isang asawang mabagsik. 26 Sa gayo'y kaniyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Isang asawa kang mabagsik, dahil sa pagtutuli.
27 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Pumaroon ka sa ilang na salubungin mo si Moises. At siya'y pumaroon, at nasalubong niya sa bundok ng Dios, at kaniyang hinagkan. 28 At isinaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kaniyang sabihin, at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kaniyang gawin. 29 At si Moises at si Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matanda sa mga anak ni Israel: 30 At sinalita ni Aaron ang lahat ng salita na sinalita ng Panginoon kay Moises, at ginawa ang mga tanda sa paningin ng bayan. 31 At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at kaniyang nakita ang kanilang kapighatian, ay iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.