1 At nangyari sa buwan ng Nisan, sa ikadalawang pung taon ni Artajerjes na hari, nang ang alak ay nasa harap niya, na aking kinuha ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi nga ako nalungkot nang una sa kaniyang harapan. 2 At sinabi ng hari sa akin, Bakit ang iyong mukha ay malungkot, dangang wala kang sakit? ito'y dili iba kundi kalungkutan ng puso. Nang magkagayo'y natakot akong mainam. 3 At sinabi ko sa hari, Mabuhay ang hari magpakailan man: bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng mga libingan sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy? 4 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, Ano ang iyong hinihiling? Sa gayo'y dumalangin ako sa Dios ng langit. 5 At nagsabi ako sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, at kung ang iyong lingkod ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin ay suguin mo ako sa Juda, sa bayan ng libingan sa aking mga magulang, upang aking maitayo. 6 At ang hari ay nagsabi sa akin, (ang reina ay nakaupo naman sa siping niya,) Magiging gaano kalaon ang iyong paglalakbay? at kailan ka babalik? Sa gayo'y nalugod ang hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kaniya ng panahon. 7 Bukod dito'y sinabi ko sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, bigyan ako ng mga sulat sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y dumating sa Juda; 8 At isang sulat kay Asaph na tagapagingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga kahoy na magawang mga tahilan sa mga pintuang-daan ng kastillo na nauukol sa bahay, at sa kuta ng bayan at sa bahay na aking papasukan. At pinagkalooban ako ng hari ayon sa mabuting kamay ng aking Dios na sumasa akin.