24 Nang magkagayo'y inihiwalay ko ang labing dalawa sa mga puno ng mga saserdote, sa makatuwid baga'y si Serebias, si Hasabias, at sangpu sa kanilang mga kapatid na kasama nila. 25 At tinimbang sa kanila ang pilak, at ang ginto, at ang mga sisidlan, sa makatuwid baga'y ang handog sa bahay ng ating Dios, na pinaghandugan ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng buong Israel na nakaharap doon: 26 Akin ngang tinimbang sa kanilang kamay ay anim na raan at limang pung talentong pilak, at mga pilak na sisidlan ay isang daang talento: sa ginto ay isang daang talento; 27 At dalawang pung mangkok na ginto, na may isang libong dariko; at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso, na halagang gaya ng ginto. 28 At sinabi ko sa kanila, Kayo'y banal sa Panginoon, at ang mga sisidlan ay natatalaga; at ang pilak at ang ginto ay kusang handog sa Panginoon, na Dios ng inyong mga magulang. 29 Magsipagbantay kayo, at ingatan ninyo, hanggang sa inyong matimbang sa harap ng mga puno ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, sa Jerusalem, sa mga silid ng bahay ng Panginoon. 30 Sa gayo'y tinanggap ng mga saserdote at ng mga Levita ang timbang ng pilak at ginto, at ng mga sisidlan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng ating Dios.
31 Nang magkagayo'y nagsiyaon tayo mula sa ilog ng Ahava, nang ikalabing dalawang araw ng unang buwan, upang pumaroon sa Jerusalem: at ang kamay ng ating Dios ay sumaatin, at iniligtas niya tayo sa kamay ng kaaway at sa bumabakay sa daan. 32 At tayo ay nagsidating sa Jerusalem, at nagsitahan doon na tatlong araw. 33 At nang ikaapat na araw, ang pilak at ang ginto at ang mga sisidlan ay natimbang sa bahay ng ating Dios sa kamay ni Meremoth na anak ni Urias na saserdote (at kasama niya si Eleazar na anak ni Phinees; at kasama nila si Jozabad na anak ni Jesua, at si Noadias na anak ni Binnui, na mga Levita) 34 Ang kabuoan sa pamamagitan ng bilang, at ng timbang: at ang buong timbang ay nasulat nang panahong yaon.
35 Ang mga anak sa pagkabihag, na nagsipanggaling sa pagkatapon, ay nangaghandog ng mga handog na susunugin sa Dios ng Israel, labing dalawang toro sa ganang buong Israel, siyam na pu't anim na lalaking tupa, pitong pu't pitong kordero, labing dalawang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan: lahat ng ito'y handog na susunugin sa Panginoon. 36 At kanilang ibinigay ang mga bilin ng hari sa mga satrapa ng hari, at sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog: at kanilang pinasulong ang bayan at ang bahay ng Dios.