8 Nang ikalawang taon nga ng kanilang pagparoon sa bahay ng Dios sa Jerusalem, sa ikalawang buwan, nangagpasimula si Zorobabel na anak ni Sealthiel, at si Jesua na anak ni Josadec, at ang nalabi sa kanilang mga kapatid na mga saserdote at mga Levita, at silang lahat na nagsipanggaling sa Jerusalem na mula sa pagkabihag; at inihalal ang mga Levita, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda upang magsipamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon. 9 Nakatayo nga si Jesua na kasama ng kaniyang mga anak, at ng kaniyang mga kapatid, si Cadmiel at ang kaniyang mga anak, ang mga anak ni Juda, na magkakasama, upang magsipamahala sa mga manggagawa sa bahay ng Dios: ang mga anak ni Henadad, na kasama ng kanilang mga anak at ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
10 At nang ilagay ng mga manggagawa ang tatagang-baon ng templo ng Panginoon, kanilang inilagay ang mga saserdote na bihis, na may mga pakakak, at ang mga Levita na mga anak ni Asaph na may mga simbalo, upang magsipuri sa Panginoon, ayon sa alituntunin ni David na hari sa Israel.
11 At sila'y nagawitang isa't isa sa pagpuri at pagpapasalamat sa Panginoon, na nangagsasabi: Sapagka't siya'y mabuti, sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man sa Israel. At ang buong bayan ay humiyaw ng malakas, nang sila'y magsipuri sa Panginoon, sapagka't ang tatagang-baon ng bahay ng Panginoon ay nalagay. 12 Nguni't marami sa mga saserdote, at mga Levita, at mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, mga matanda na nangakakita ng unang bahay, ng ang tatagang-baon ng bahay na ito ay malagay sa harap ng kanilang mga mata, ay nagsiiyak ng malakas; at marami ay nagsihiyaw ng malakas dahil sa kagalakan: 13 Na anopa't hindi makilala ng bayan ang kaibhan ng ingay ng hiyaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan; sapagka't ang bayan ay humiyaw ng malakas na hiyaw, at ang ingay ay narinig sa malayo.