1 Nang magkagayo'y kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama sa Jerusalem. 2 Si Joachaz ay may dalawang pu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem. 3 At inalis siya sa Jerusalem ng hari sa Egipto, at pinabuwis ang lupain ng isang daang talentong pilak at ng isang talentong ginto. 4 At inihalal na hari sa Juda at sa Jerusalem ng hari sa Egipto si Eliacim na kaniyang kapatid, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim. At kinuha ni Nechao si Joachaz na kaniyang kapatid, at dinala niya siya sa Egipto.
5 Si Joacim ay may dalawang pu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon, sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios. 6 Laban sa kaniya ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at tinanikalaan siya, upang dalhin siya sa Babilonia. 7 Si Nabucodonosor ay nagdala naman ng mga sisidlan ng bahay ng Panginoon sa Babilonia, at inilagay sa kaniyang templo sa Babilonia. 8 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang kaniyang mga karumaldumal na kaniyang ginawa, at ang nasumpungan sa kaniya, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda: at si Joachin, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
9 Si Joachin ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari: at siya'y nagharing tatlong buwan at sangpung araw sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon. 10 At sa pagpihit ng taon, si Nabucodonosor ay nagsugo, at dinala siya sa Babilonia, pati ng mga mainam na sisidlan ng bahay ng Panginoon at ginawang hari si Zedecias na kaniyang kapatid sa Juda at Jerusalem.
11 Si Zedecias ay may dalawang pu't isang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: 12 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios; siya'y hindi nagpakababa sa harap ni Jeremias na propeta na nagsasalita ng galing sa bibig ng Panginoon. 13 At siya rin nama'y nanghimagsik laban sa haring Nabucodonosor, na siyang nagpasumpa sa kaniya sa pangalan ng Dios: nguni't pinapagmatigas niya ang kaniyang ulo at pinapagmatigas niya ang kaniyang puso sa panunumbalik sa Panginoon, sa Dios ng Israel. 14 Bukod dito'y lahat ng mga pinuno ng mga saserdote, at ang bayan, ay nagsisalangsang na mainam ayon sa lahat na karumaldumal ng mga bansa; at kanilang dinumhan ang bahay ng Panginoon na kaniyang itinalaga sa Jerusalem.
15 At ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo, na bumangong maaga at nagsugo, sapagka't siya'y nagdalang habag sa kaniyang bayan, at sa kaniyang tahanang dako: 16 Nguni't kanilang tinuya ang mga sugo ng Dios, at niwalang kabuluhan ang kaniyang mga salita, at dinusta ang kaniyang mga propeta hanggang sa ang pagiinit ng Panginoon ay bumugso laban sa kaniyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan.