1 Si Joas ay may pitong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing apat na pung taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Sibia na taga Beer-seba. 2 At gumawa si Joas ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon lahat ng mga kaarawan ni Joiada na saserdote. 3 At kumuha si Joiada ng dalawang babae upang maging asawa ng hari, at siya'y nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
4 At nangyari, pagkatapos nito, na inisip ni Joas na husayin ang bahay ng Panginoon. 5 At kaniyang pinisan ang mga saserdote at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, Magsilabas kayo hanggang sa mga bayan ng Juda, at magtipon kayo sa buong Israel ng salapi upang husayin ang bahay ng inyong Dios sa taontaon, at sikapin ninyo na inyong madaliin ang bagay. Gayon ma'y hindi minadali ng mga Levita. 6 At ipinatawag ng hari si Joiada na pinuno, at sinabi sa kaniya, Bakit hindi mo ipinadala sa mga Levita ang buwis na iniutos ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng kapisanan ng Israel, mula sa Juda, at mula sa Jerusalem, na ukol sa tabernakulo ng patotoo? 7 Sapagka't giniba ng mga anak ni Athalia, niyaong masamang babae, ang bahay ng Dios, at kanila namang ginugol sa mga Baal ang lahat na itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon.
8 Sa gayo'y nagutos ang hari, at sila'y nagsigawa ng isang kaban, at inilagay sa labas sa pintuang daan ng bahay ng Panginoon. 9 At sila'y nangagtanyag sa Juda at sa Jerusalem, na dalhin sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises na lingkod ng Dios sa Israel sa ilang. 10 At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagalak, at dinala, at inilagay sa kaban, hanggang sa natapos. 11 At nagkagayon, nang dalhin ang kaban sa kawanihan ng hari, sa pamamagitan ng kamay ng mga Levita, at nang kanilang makita na maraming salapi, na ang kalihim ng hari at ang pinuno ng pangulong saserdote ay naparoon at inalisan ng laman ang kaban, at kinuha, at dinala uli sa dakong kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginawa araw-araw, at nagtipon ng salapi na sagana. 12 At ibinigay ng hari at ni Joiada sa gumagawa ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon; at sila'y nagsiupa ng mga kantero at ng mga anluwagi upang husayin ang bahay ng Panginoon, at ng nagsisigawa naman sa bakal at tanso upang husayin ang bahay ng Panginoon. 13 Sa gayo'y nagsigawa ang mga manggagawa, at ang gawa ay nayari sa pamamagitan nila, at kanilang itinayo ang bahay ng Dios sa kaniyang kalagayan, at pinatibay. 14 At nang kanilang matapos, kanilang dinala ang labis ng salapi sa harap ng hari at ni Joiada, na siyang mga ipinagpagawa ng mga sisidlan sa bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y mga sisidlan upang ipangasiwa, at upang ipaghandog ng hain, at mga sandok, at mga sisidlang ginto, at pilak. At sila'y nangaghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga kaarawan ni Joiada.
15 Nguni't si Joiada ay tumanda at napuspos ng mga araw, at siya'y namatay; siya'y may isang daan at tatlongpung taon nang siya'y mamatay. 16 At inilibing nila siya sa bayan ni David sa kasamahan ng mga hari, sapagka't siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, at sa Dios at sa kaniyang sangbahayan.
17 Pagkamatay nga ni Joiada ay nagsiparoon ang mga prinsipe ng Juda, at nangagbigay galang sa hari. Nang magkagayo'y dininig sila ng hari. 18 At kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, at nangaglingkod sa mga Asera at sa mga dios-diosan: at ang pag-iinit ay dumating sa Juda at sa Jerusalem dahil sa kanilang salang ito. 19 Gayon ma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang dalhin sila uli sa Panginoon; at sila'y sumaksi laban sa kanila; nguni't hindi sila pinakinggan.