1 At sa ikapitong taon ay lumakas si Joiada, at nakipagtipan siya sa mga pinunong kawal ng dadaanin, kay Azarias na anak ni Joram, at kay Ismael na anak ni Johanan, at kay Azarias na anak ni Obed, at kay Maasias na anak ni Adaias, at kay Elisaphat na anak ni Zichri. 2 At kanilang nilibot ang Juda, at pinisan ang mga Levita mula sa lahat na bayan ng Juda, at ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, at sila'y nagsiparoon sa Jerusalem. 3 At ang buong kapisanan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Dios. At sinabi niya sa kanila, Narito, ang anak ng hari ay maghahari, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David. 4 Ito ang bagay na inyong gagawin: isang ikatlong bahagi ninyo, na pumapasok sa sabbath, sa mga saserdote at sa mga Levita, magiging mga tagatanod-pinto; 5 At ang ikatlong bahagi ay magiging sa bahay ng hari; at ang ikatlong bahagi sa pintuang-bayan ng patibayan; at ang buong bayan ay malalagay sa mga looban ng bahay ng Panginoon. 6 Nguni't walang papasok sa bahay ng Panginoon, liban sa mga saserdote, at nagsisipangasiwang mga Levita; sila'y magsisipasok, sapagka't sila'y mga banal: nguni't ang buong bayan ay magiingat ng pagbabantay sa Panginoon. 7 At kukulungin ng mga Levita ang hari sa palibot, bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at sinomang pumasok sa bahay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y pumapasok at pagka siya'y lumalabas.
8 Gayon ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at sila'y kumuha bawa't lalake ng kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath, na kasama niyaong nagsisilabas sa sabbath; sapagka't hindi pinayaon ni Joiada na saserdote ang mga pangkat. 9 At si Joiada na saserdote ay nagbigay sa mga pinunong kawal ng mga dadaanin ng mga sibat, at mga maliit na kalasag at mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Dios. 10 At kaniyang inilagay ang buong bayan, na bawa't isa'y may kaniyang sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot. 11 Nang magkagayo'y kanilang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo, at ginawa siyang hari: at pinahiran siya ng langis ni Joiada at ng kaniyang mga anak; at kanilang sinabi, Mabuhay ang hari.