1 At ginawang hari ng mga taga Jerusalem si Ochozias na kaniyang bunsong anak na kahalili niya: sapagka't pinatay ang mga pinaka matanda sa kampamento ng pulutong na lalake na naparoon na kasama ng mga taga Arabia. Sa gayo'y si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda ay naghari. 2 May apat na pu't dalawang taon si Ochozias nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Athalia na anak ni Omri. 3 Siya rin naman ay lumakad ng mga lakad ng sangbahayan ni Achab: sapagka't ang kaniyang ina ay siyang kaniyang taga-payo upang gumawang may kasamaan. 4 At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't sila ang naging kaniyang taga-payo pagkamatay ng kaniyang ama, sa ikapapahamak niya. 5 Siya'y lumakad din naman ng ayon sa kanilang payo, at yumaon na kasama ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel upang makipagdigma laban kay Hazael na hari sa Siria sa Ramoth-galaad: at sinugatan ng mga taga Siria si Joram. 6 At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat nila sa kaniya sa Rama, ng siya'y makipaglaban kay Hazael na hari sa Siria. At si Azarias na anak ni Joram na hari sa Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Achab sa Jezreel, sapagka't siya'y may sakit.
7 Ang kapahamakan nga ni Ochozias ay sa ganang Dios, sa kaniyang pagparoon kay Joram: sapagka't nang siya'y dumating, siya'y lumabas na kasama ni Joram laban kay Jehu na anak ni Nimsi, na siyang pinahiran ng langis ng Panginoon upang ihiwalay ang sangbahayan ni Achab. 8 At nangyari, nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa bahay ni Achab, na kaniyang nasumpungan ang mga prinsipe sa Juda, at ang mga anak ng mga kapatid ni Ochozias, na nagsisipangasiwa kay Ochozias, at pinatay sila. 9 At kaniyang hinanap si Ochozias, at hinuli nila siya, (siya nga'y nagtatago sa Samaria,) at dinala nila siya kay Jehu, at pinatay siya; at inilibing nila siya, sapagka't kanilang sinabi, Siya'y anak ni Josaphat, na humanap sa Panginoon ng buo niyang puso. At ang sangbahayan ni Ochozias ay walang kapangyarihang humawak ng kaharian.