1 At nangyari, pagkatapos nito, na ang mga anak ni Moab, at ang mga anak ni Ammon, at pati ng iba sa mga Ammonita, ay naparoon laban kay Josaphat upang makipagbaka. 2 Nang magkagayo'y nagsiparoon ang iba na nagsipagsaysay kay Josaphat, na nagsasabi, May lumalabas na isang lubhang karamihan laban sa iyo na mula sa dako roon ng dagat na mula sa Siria; at, narito, sila'y nangasa Hasason-tamar (na siyang Engedi). 3 At si Josaphat ay natakot, at tumalagang hanapin ang Panginoon; at siya'y nagtanyag ng ayuno sa buong Juda. 4 At ang Juda'y nagpipisan, upang huminging tulong sa Panginoon: sa makatuwid baga'y mula sa lahat na bayan ng Juda ay nagsiparoon upang hanapin ang Panginoon.
5 At si Josaphat ay tumayo sa kapisanan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harap ng bagong looban; 6 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aming mga magulang, di ba ikaw ay Dios sa langit? at di ba ikaw ay puno sa lahat na kaharian ng mga bansa? at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at lakas, na anopa't walang makahaharap sa iyo. 7 Di mo ba pinalayas, Oh aming Dios, ang mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailan man? 8 At nagsitahan sila roon at ipinagtayo ka ng santuario roon na ukol sa iyong pangalan, na sinasabi, 9 Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak ng kahatulan, o salot, o kagutom, kami ay magsisitayo sa harap ng bahay na ito, at sa harap mo, (sapagka't ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito,) at kami ay dadaing sa iyo sa aming pagdadalamhati, at kami ay iyong didinggin at ililigtas. 10 At ngayon, narito, ang mga anak ni Ammon at ni Moab, at ng sa bundok ng Seir na hindi mo ipinalusob sa Israel, nang sila'y magsilabas sa lupain ng Egipto, kundi kanilang nilikuan sila, at hindi sila nilipol; 11 Tingnan mo, kung paanong sila'y gumaganti sa amin, na nagsisiparito upang palayasin kami sa iyong pag-aari, na iyong ibinigay sa amin upang manahin. 12 Oh aming Dios, hindi mo ba hahatulan sila? sapagka't wala kaming kaya laban sa malaking pulutong na ito na naparirito laban sa amin, ni hindi man nalalaman namin kung anong marapat gawin; nguni't ang aming mga mata ay nasa iyo.
13 At ang buong Juda ay tumayo sa harap ng Panginoon, pati ang kanilang mga bata, ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak. 14 Nang magkagayo'y dumating kay Jahaziel na anak ni Zacharias, na anak ni Benaias, na anak ni Jeiel, na anak ni Mathanias na Levita, sa mga anak ni Asaph ang Espiritu ng Panginoon sa gitna ng kapisanan; 15 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, buong Juda, at ninyong mga taga Jerusalem, at ikaw na haring Josaphat: ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, Huwag kayong mangatakot, o manglupaypay man dahil sa malaking karamihang ito; sapagka't ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Dios. 16 Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila: narito, sila'y nagsiahon sa ahunan ng Sis; at inyong masusumpungan sila sa dulo ng libis, sa harap ng ilang ng Jeruel. 17 Kayo'y hindi magkakailangan na makipaglaban sa pagbabakang ito: magsilagay kayo, magsitayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagliligtas, ng Panginoon na kasama ninyo, Oh Juda at Jerusalem: huwag kayong mangatakot, o manganglupaypay man: bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila; sapagka't ang Panginoon ay sumasa inyo.
18 At itinungo ni Josaphat ang kaniyang ulo sa lupa: at ang buong Juda at ang mga taga Jerusalem ay nangagpatirapa sa harap ng Panginoon, na nagsisamba sa Panginoon. 19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Coathita at sa mga anak ng mga Coraita; ay nagsitayo upang purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ng totoong malakas na tinig.
20 At sila'y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila'y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo'y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo'y giginhawa kayo.
21 At nang siya'y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila'y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
22 At nang sila'y mangagpasimulang magsiawit at magsipuri, ang Panginoon ay naglagay ng mga bakay laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab, at ng sa bundok ng Seir, na nagsiparoon laban sa Juda; at sila'y nangasugatan. 23 Sapagka't ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsitayo laban sa mga taga bundok ng Seir, upang lubos na magsipatay at lipulin sila: at nang sila'y makatapos sa mga taga bundok ng Seir, bawa't isa'y tumulong na lumipol sa iba.