1 At si Josaphat na kaniyang anak ay naghari, na kahalili niya, at nagpakalakas laban sa Israel. 2 At siya'y naglagay ng mga kawal sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda, at naglagay ng mga pulutong sa lupain ng Juda, at sa mga bayan ng Ephraim, na sinakop ni Asa sa kaniyang ama. 3 At ang Panginoon ay sumasa kay Josaphat, sapagka't siya'y lumakad ng mga unang lakad ng kaniyang magulang na si David, at hindi hinanap ang mga Baal; 4 Kundi hinanap ang Dios ng kaniyang ama, at lumakad sa kaniyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel. 5 Kaya't itinatag ng Panginoon ang kaharian sa kaniyang kamay; at ang buong Juda ay nagdala kay Josaphat ng mga kaloob; at siya'y nagkaroon ng mga kayamanan at dangal na sagana. 6 At ang kaniyang puso ay nataas sa mga daan ng Panginoon: at bukod dito'y inalis niya ang mga mataas na dako at ang mga Asera sa Juda.
7 Nang ikatlong taon naman ng kaniyang paghahari ay kaniyang sinugo ang kaniyang mga prinsipe, sa makatuwid bagay si Ben-hail, at si Obdias, at si Zacharias, at si Nathaniel, at si Micheas, upang mangagturo sa mga bayan ng Juda. 8 At kasama nila ang mga Levita, na si Semeias, at si Nethanias, at si Zebadias, at si Asael, at si Semiramoth, at si Jonathan, at si Adonias, at si Tobias, at si Tob-adonias, na mga Levita; at kasama nila si Elisama, at si Joram na mga saserdote. 9 At sila'y nangagturo sa Juda, na may aklat ng kautusan ng Panginoon; at sila'y nagsiyaon sa palibot ng lahat na bayan ng Juda, at nangagturo sa gitna ng bayan.
10 At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nangasa palibot ng Juda, na anopa't sila'y hindi nangakipagdigma laban kay Josaphat. 11 At ang ilan sa mga Filisteo ay nangagdala ng mga kaloob kay Josaphat, at pilak na pinakabuwis; ang mga taga Arabia man ay nangagdala rin sa kaniya ng mga kawan, na pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalake. 12 At si Josaphat ay dumakilang mainam; at siya'y nagtayo sa Juda ng mga kastilyo at mga bayang kamaligan. 13 At siya'y nagkaroon ng maraming mga gawain sa mga bayan ng Juda; at ng mga lalaking mangdidigma, na mga makapangyarihang lalaking matatapang, sa Jerusalem. 14 At ito ang bilang nila ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang: sa Juda, ang mga pinunong kawal ng lilibuhin; si Adna na pinunong kawal, at ang kasama niya na mga makapangyarihang lalaking matatapang ay tatlong daang libo: 15 At sumusunod sa kaniya ay si Johanan na pinunong kawal, at kasama niya'y dalawang daan at walong pung libo; 16 At sumusunod sa kaniya ay si Amasias na anak ni Zichri, na humandog na kusa sa Panginoon; at kasama niya ay dalawang daang libo na mga makapangyarihang lalaking matatapang: 17 At sa Benjamin; si Eliada na makapangyarihang lalaking matapang, at kasama niya ay dalawang daang libong may sakbat na busog at kalasag: 18 At sumusunod sa kaniya ay si Jozabad, at kasama niya ay isang daan at walong pung libo na handa sa pakikipagdigma. 19 Ang mga ito ang nangaglingkod sa hari bukod doon sa inilagay ng hari sa mga bayang nakukutaan sa buong Juda.