1 Bukod dito'y gumawa siya ng dambanang tanso na dalawangpung siko ang haba niyaon, at dalawangpung siko ang luwang niyaon, at sangpung siko ang taas niyaon. 2 Gumawa rin siya ng dagatdagatan na binubo na may sangpung siko sa labi't labi, na mabilog, at ang taas niyaon ay limang siko; at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko na nakalibid sa paligid. 3 At sa ilalim niyao'y may kawangis ng mga baka na lumilibot sa palibot, na sangpung siko, na nakaligid sa palibot ng dagatdagatan. Ang mga baka ay dalawang hanay, na binubo nang bubuin yaon. 4 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, at tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, at tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan: at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon sa ibabaw, at lahat nilang puwitan ay nasa dakong loob. 5 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyao'y yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng lila: naglalaman ng tatlong libong bath. 6 Siya nama'y gumawa ng sangpung hugasan, at inilagay ang lima sa kanan, at lima sa kaliwa, upang paghugasan: na ang mga bagay na nauukol sa handog na susunugin ay hinugasan doon: nguni't ang dagatdagatan ay upang paghugasan ng mga saserdote.
7 At siya'y gumawa ng sangpung kandelero na ginto ayon sa ayos tungkol sa mga yaon; at inilagay niya sa templo, na lima sa kanan, at lima sa kaliwa. 8 Gumawa rin naman siya ng sangpung dulang, at inilagay sa templo, na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa. At siya'y gumawa ng isang daang mangkok na ginto. 9 Bukod dito'y ginawa niya ang looban ng mga saserdote, at ang malaking looban, at ang mga pinto na ukol sa looban at binalot ng tanso ang mga pinto ng mga yaon. 10 At kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa dakong kanan ng bahay sa may dakong silanganan na gawing timugan.
11 At ginawa ni Hiram ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos ni Hiram ang paggawa ng gawain na ginawa niya na ukol sa haring Salomon sa bahay ng Dios: 12 Ang dalawang haligi, at ang mga kabilugan, at ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang yaring lambat na nagsisitakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi; 13 At ang apat na raang granada na ukol sa dalawang yaring lambat; dalawang hanay na granada na ukol sa bawa't yaring lambat, upang tumakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi. 14 Ginawa rin niya ang mga tungtungan, at ang mga hugasan ay ginawa niya sa ibabaw ng mga tungtungan; 15 Isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka ay sa ilalim niyaon. 16 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga pangduro, at lahat ng kasangkapan niyaon, ay ginawa ni Hiram na kaniyang ama para sa haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon na tansong binuli. 17 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa sa pagitan ng Suchot at ng Sereda. 18 Ganito ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapang ito na totoong sagana; sapagka't ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.
19 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nangasa bahay ng Dios, ang gintong dambana rin naman, at ang mga dulang na kinaroroonan ng tinapay na handog; 20 At ang mga kandelero na kalakip ng mga ilawan niyaon, na mga paniningasan ayon sa ayos sa harap ng sanggunian, na taganas na ginto; 21 At ang mga bulaklak, at ang mga ilawan at ang mga gunting, na ginto, at yao'y dalisay na ginto; 22 At ang mga gunting, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga pangsuob, na taganas na ginto: at tungkol sa pasukan ng bahay, ang mga pinakaloob na pinto niyaon na ukol sa kabanalbanalang dako, at ang mga pinto ng bahay, ng templo, ay ginto.
1 Ganito natapos ang gawaing ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama; sa makatuwid baga'y ang pilak, at ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios.