1 At pinulong ni David ang lahat na prinsipe sa Israel, ang mga prinsipe ng mga lipi, at ang mga punong kawal ng mga pulutong na nagsisipaglingkod sa hari ayon sa halinhinan, at ang mga punong kawal ng lilibuhin, at ang mga punong kawal ng dadaanin, at ang mga katiwala sa lahat ng tinatangkilik at pag-aari ng hari at ng kaniyang mga anak, na kasama ng mga pinuno at ng mga makapangyarihang lalake, lahat na makapangyarihang lalaking matapang, sa Jerusalem. 2 Nang magkagayo'y tumayo si David na hari sa kaniyang mga paa, at nagsabi, Dinggin ninyo ako: mga kapatid ko, at bayan ko sa ganang akin, na sa aking puso ang ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng Panginoon, at upang tungtungan ng mga paa ng ating Dios; at ako'y humanda sa pagtatayo. 3 Nguni't sinabi ng Dios sa akin, Huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka't ikaw ay lalaking mangdidigma, at nagbubo ka ng dugo. 4 Gayon ma'y pinili ako ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa buong sangbahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailan man: sapagka't kaniyang pinili ang Juda upang maging pangulo: at sa sangbahayan ng Juda, ang sangbahayan ng aking ama; at sa gitna ng mga anak ng aking ama ay kinaluguran niya ako upang gawin akong hari sa buong Israel: 5 At sa lahat ng aking mga anak (sapagka't binigyan ako ng Panginoon ng maraming anak,) pinili niya si Salomon na aking anak upang umupo sa luklukan ng kaharian ng Panginoon sa Israel. 6 At kaniyang sinabi sa akin, Si Salomon na iyong anak ay siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga looban; sapagka't aking pinili siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kaniyang ama. 7 At aking itatatag ang kaniyang kaharian magpakailan man, kung kaniyang pamamalagiang sundin ang aking mga utos at ang aking mga kahatulan, gaya sa araw na ito. 8 Ngayon nga'y sa paningin ng buong Israel, ng kapisanan ng Panginoon, at sa pakinig ng ating Dios, sundin at suriin ang lahat na utos ng Panginoon ninyong Dios: upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwang pinakamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo, magpakailan man.