18 Nang magkagayo'y inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y sumampa, at magtayo ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo. 19 At si David ay sumampa sa sabi ni Gad na kaniyang sinalita sa pangalan ng Panginoon. 20 At si Ornan ay bumalik at nakita ang anghel; at ang kaniyang apat na anak na kasama niya ay nagsipagkubli. Si Ornan nga ay gumigiik ng trigo. 21 At samantalang si David ay naparoroon kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David, at lumabas sa giikan, at iniyukod kay David ang kaniyang mukha sa lupa. 22 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Ornan, Ibigay mo sa akin ang dako ng giikang ito, upang aking mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon: sa buong halaga ay ibibigay mo sa akin: upang ang salot ay tumigil sa bayan. 23 At sinabi ni Ornan kay David, Kunin mo, at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa harap ng kaniyang mga mata: narito, aking ibinibigay sa iyo ang mga baka na mga pinakahandog na susunugin, at ang mga kasangkapan ng giikan na pinaka kahoy, at ang trigo na pinakahandog na harina; aking ibinibigay sa lahat. 24 At sinabi ng haring David kay Ornan, Huwag; kundi katotohanang aking bibilhin ng buong halaga: sapagka't hindi ko kukunin ang iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ng handog na susunugin na walang bayad. 25 Sa gayo'y ibinigay ni David kay Ornan dahil sa dakong yaon ang anim na raang siklong ginto na pinakatimbang. 26 At ipinagtayo roon ni David ng isang dambana ang Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at tumawag sa Panginoon; at sinagot niya siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin. 27 At inutusan ng Panginoon ang anghel; at kaniyang isinuksok sa kaluban ang kaniyang tabak.
28 Nang panahong yaon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya nga'y naghain doon. 29 Sapagka't ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na susunugin, ay nasa mataas na dako nang panahong yaon sa Gabaon. 30 Nguni't si David ay hindi makaparoon sa harap niyaon upang magusisa sa Dios: sapagka't siya'y natakot dahil sa tabak ng anghel ng Panginoon.
1 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Ito ang bahay ng Panginoong Dios, at ito ang dambana ng handog na susunugin para sa Israel.