28 At pinapagpauna niya si Juda kay Jose, upang ituro ang daan na patungo sa Gosen; at sila'y nagsidating sa lupain ng Gosen. 29 At inihanda ni Jose ang kaniyang karro, at sumampang sinalubong si Israel na kaniyang ama sa Gosen; at siya'y humarap sa kaniya, at yumakap sa kaniyang leeg, at umiyak sa kaniyang leeg na matagal. 30 At sinabi ni Israel kay Jose, Ngayo'y mamatay na ako yamang nakita ko na ang iyong mukha, na ikaw ay buhay pa. 31 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, at sa sangbahayan ng kaniyang ama, Ako'y aahon, at aking sasaysayin kay Faraon, at aking sasabihin sa kaniya. Ang aking mga kapatid, at ang sangbahayan ng aking ama, na nangasa lupain ng Canaan, ay naparito sa akin; 32 At ang mga lalake ay mga pastor, sapagka't sila'y naging tagapagalaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik. 33 At mangyayaring, pagka tatawagin kayo ni Faraon, at sasabihin, Ano ang inyong hanapbuhay? 34 Na inyong sasabihin, Ang iyong mga lingkod ay naging tagapagalaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang ngayon, kami at ang aming mga magulang; upang kayo'y matira sa lupain ng Gosen; sapagka't bawa't pastor ay kasuklamsuklam sa mga Egipcio.