10 Nang panahong yao'y ang mga lingkod ni Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang bayan ay nakubkob. 11 At si Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay naparoon sa bayan, samantalang ang kaniyang mga lingkod ay nangakukulong. 12 At nilabas ni Joachin na hari sa Juda ang hari sa Babilonia, niya, at ng kaniyang ina, at ng kaniyang mga lingkod, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng kaniyang mga pinuno: at kinuha siya ng hari ng Babilonia sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari. 13 At dinala niya mula roon ang lahat na kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputolputol ang lahat na kasangkapang ginto na ginawa ng haring Salomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon. 14 At kaniyang dinala ang buong Jerusalem, at ang lahat na prinsipe, at ang lahat na makapangyarihang lalake na may tapang, sa makatuwid baga'y sangpung libong bihag, at ang lahat na manggagawa at mangbabakal; walang nalabi liban sa mga pinakadukha sa bayan ng lupain. 15 At dinala niya si Joachin sa Babilonia; at ang ina ng hari, at ang mga asawa ng hari, at ang kaniyang mga pinuno, at ang mga pinakamahal sa lupain, ay dinala niya sa pagkabihag sa Babilonia mula sa Jerusalem. 16 At ang lahat na makapangyarihang lalake na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal na isang libo, lahat na sa kanila ay malakas at matalino sa pakikipagdigma, ay pinagdadalang bihag sa Babilonia ng hari. 17 At ginawa ng hari sa Babilonia na hari si Matanias na kapatid ng ama ni Joachin na kahalili niya, at binago ang kaniyang pangalan ng Sedecias.