21 At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan. 22 Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga hari man sa Juda; 23 Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.
24 Bukod dito'y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon. 25 At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.
26 Gayon ma'y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya. 27 At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga'y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko'y doroon.