1 Si Manases ay may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi-ba. 2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel. 3 Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama; at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal, at gumawa ng Asera, gaya ng ginawa ni Achab na hari sa Israel, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa kanila. 4 At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan. 5 At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon. 6 At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at nagpamahiin, at nagsanay ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit. 7 At siya'y naglagay ng larawang inanyuan na Asera, na kaniyang ginawa, sa bahay na pinagsabihan ng Panginoon kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat na lipi ng Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man. 8 At hindi ko na pagagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, kung kanila lamang tutuparing gawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises. 9 Nguni't hindi nila dininig: at hinikayat sila ni Manases na gumawa ng lalong masama kay sa ginawa ng mga bansa, na pinaglipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.