13 Nang ikalabing apat na taon nga ng haring Ezechias ay umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop. 14 At si Ezechias na hari sa Juda ay nagsugo sa hari sa Asiria sa Lachis, na nagsasabi, Ako'y nagkasala; talikdan mo ako: ang iyong ipabayad sa akin ay aking babayaran. At siningil ng hari sa Asiria si Ezechias na hari sa Juda ng tatlong daang talentong pilak at tatlong pung talentong ginto. 15 At ibinigay ni Ezechias ang lahat na pilak na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari. 16 Nang panahong yaon ay inihiwalay ni Ezechias ang ginto sa mga pintuan ng templo ng Panginoon, at sa mga haligi na binalutan ni Ezechias na hari sa Juda, at ibinigay sa hari sa Asiria. 17 At sinugo ng hari sa Asiria si Thartan at si Rab-saris, at si Rabsaces, sa haring kay Ezechias na mula sa Lachis na may malaking hukbo sa Jerusalem. At sila'y nagsiahon at nagsiparoon sa Jerusalem. At nang sila'y mangakaahon, sila'y nagsiparoon at nagsitayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan sa parang ng tagapagpaputi ng kayo. 18 At nang matawag na nila ang hari, ay nilabas sila ni Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala ng bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.
19 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa ito sa iyong tinitiwalaan? 20 Iyong sinasabi (nguni't mga salitang walang kabuluhan lamang) May payo at kalakasan sa pakikipagdigma. Ngayon, kanino ka tumitiwala, na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin? 21 Ngayon, narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na kahoy na lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto; na kung sinoman ay sumandal, ay tutuhog sa kaniyang kamay, at palalagpasan: gayon si Faraon na hari sa Egipto sa lahat na tumitiwala sa kaniya. 22 Nguni't kung inyong sabihin sa akin: Kami ay tumitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi ba siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako, at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito sa Jerusalem? 23 Isinasamo ko nga ngayon sa iyo na magbigay ka ng mga sangla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mangangabayo sa mga yaon. 24 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang punong kawal sa pinaka mababa sa mga lingkod ng aking panginoon, at iyong ilalagak ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at sa mga mangangabayo? 25 Ako ba'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa dakong ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.
26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim na anak ni Hilcias, at si Sebna, at ni Joah, kay Rabsaces. Isinasamo ko sa iyo na magsalita ka sa iyong mga lingkod ng wikang Siria; sapagka't aming naiintindihan yaon; at huwag kang magsalita sa amin ng wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta. 27 Nguni't sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang salitain ang mga salitang ito? di ba niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang magsikain ng kanilang sariling dumi, at upang magsiinom ng kanilang sariling ihi na kasalo ninyo?
28 Nang magkagayo'y si Rabsaces ay tumayo at sumigaw ng malakas sa wikang Judio, at nagsalita, na sinasabi, Dinggin ninyo ang salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria. 29 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong dayain ni Ezechias; sapagka't hindi niya kayo maililigtas sa kaniyang kamay. 30 Ni patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin, Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon, at ang bayang ito ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria. 31 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo ng bunga ng kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa ng bunga ng kaniyang puno ng igos, at uminom ang bawa't isa sa inyo ng tubig ng kaniyang sariling balon; 32 Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan, na lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mangabuhay, at huwag mangamatay: at huwag ninyong dinggin si Ezechias, pagka kayo'y hinihikayat niya, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon. 33 Nagligtas ba kailan man ang sinoman sa mga dios sa mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria? 34 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath, at ng Arphad? Saan nandoon ang mga dios ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay? 35 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupain, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?
36 Nguni't ang bayan ay tumahimik, at hindi sumagot ng kahit isang salita: sapagka't utos ng hari, na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya. 37 Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala sa sangbahayan, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.