1 Si Achab nga'y may pitong pung anak sa Samaria. At sumulat si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa makatuwid baga'y sa mga matanda, at sa kanila na tagapagalaga sa mga anak ni Achab, na nagsasabi, 2 At pagdating nga ng sulat na ito sa inyo, sa paraang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karo at mga kabayo, at bayan na nakukutaan naman, at sakbat; 3 Piliin ninyo ang pinaka mainam at ang pinaka marapat sa mga anak ng inyong panginoon, at iupo ninyo sa luklukan ng kaniyang ama, at ipakipaglaban ang sangbahayan ng inyong panginoon. 4 Nguni't sila'y natakot na mainam, at nagsabi, Narito, ang dalawang hari ay hindi nagsitayo sa harap niya: paano ngang tayo'y tatayo? 5 At ang katiwala, at ang tagapamahala ng bayan, gayon din ang mga matanda, at ang mga tagapagalaga sa mga bata, ay nagsipagsugo kay Jehu, na nagsisipagsabi, Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat na iyong iuutos sa amin; hindi namin gagawing hari ang sinoman; gawin mo ang mabuti sa iyong mga mata. 6 Nang magkagayo'y sumulat siya ng isang sulat na ikalawa sa kanila, na nagsasabi, Kung kayo'y sasa aking siping, at kung inyong didinggin ang aking tinig, kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalake na mga anak ng inyong panginoon, at magsiparito kayo sa akin sa Jezreel sa kinabukasan sa may ganitong panahon. Ang mga anak nga ng hari, yamang pitong pung katao ay nangasa kasamahan ng mga dakilang tao sa bayan, na nagalaga sa kanila. 7 At nangyari, nang ang sulat ay dumating sa kanila, na kanilang kinuha ang mga anak ng hari, at pinagpapatay sila, pitongpung katao, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga batulang na ipinadala sa kaniya sa Jezreel. 8 At dumating ang isang sugo, at isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari. At kaniyang sinabi, Inyong ihanay ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan. 9 At nangyari, sa kinaumagahan, na siya'y lumabas, at tumayo, at nagsabi sa buong bayan, Kayo'y mga matuwid: narito, aking pinagbantaan ang aking panginoon, at pinatay siya, nguni't sinong sumakit sa lahat ng ito? 10 Talastasin ninyo ngayon na walang mahuhulog sa lupa sa salita ng Panginoon, na sinalita ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ni Achab: sapagka't ginawa ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias. 11 Sa gayo'y sinaktan ni Jehu ang lahat na nalabi sa sangbahayan ni Achab sa Jezreel, at ang lahat niyang dakilang tao, at ang kaniyang mga kasamasamang kaibigan, at ang kaniyang mga saserdote, hanggang sa wala siyang inilabi.
12 At siya'y nagtindig at yumaon, at naparoon sa Samaria. At samantalang siya'y nasa pagupitang-bahay ng mga pastor sa daan, 13 Ay nasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ochozias na hari sa Juda, at sinabi, Sino kayo? At sila'y nagsisagot, Kami ay mga kapatid ni Ochozias: at kami ay nagsilusong upang magsibati sa mga anak ng hari at mga anak ng reina. 14 At kaniyang sinabi, Hulihin ninyo silang buhay. At hinuli nila silang buhay, at pinatay sa hukay ng pagupitang-bahay, sa makatuwid baga'y apat na pu't dalawang lalake; hindi nagiwan ng sinoman sa kanila.
15 At nang siya'y makayaon mula roon, kaniyang nasumpungan si Jonadab na anak ni Rechab na sumasalubong sa kaniya: at kaniyang binati siya, at nagsabi sa kaniya, Ang iyo bang puso ay tapat, na gaya ng aking puso sa iyong puso? At sumagot si Jonadab, Tapat. Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay. At iniabot niya sa kaniya ang kaniyang kamay; at isinampa niya siya sa loob ng karo. 16 At kaniyang sinabi, Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sikap sa Panginoon. Sa gayo'y kanilang pinasakay sila sa kaniyang karo. 17 At nang siya'y dumating sa Samaria, kaniyang sinaktan ang lahat na nalabi kay Achab sa Samaria, hanggang sa kaniyang naibuwal siya, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Elias.