1 At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at nagsabi sa kaniya, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis sa iyong kamay, at pumaroon ka sa Ramoth-galaad. 2 At pagdating mo roon, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Josaphat na anak ni Nimsi, at iyong pasukin at patayuin mo sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at dalhin mo siya sa isang silid sa loob. 3 Kung magkagayo'y kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kaniyang ulo, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinahiran kita upang maging hari sa Israel. Kung magkagayo'y buksan mo ang pintuan, at ikaw ay tumakas at huwag kang maghintay.
4 Sa gayon ang binata, sa makatuwid baga'y ang binatang propeta, ay naparoon sa Ramoth-galaad. 5 At nang siya'y dumating, narito; ang mga punong kawal ng hukbo ay nangakaupo: at kaniyang sinabi, Ako'y may isang sadya sa iyo, Oh punong kawal. At sinabi ni Jehu, Sa alin sa aming lahat? At kaniyang sinabi, Sa iyo, Oh punong kawal. 6 At siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at kaniyang ibinuhos ang langis sa kaniyang ulo, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Aking pinahiran ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y sa Israel. 7 At iyong sasaktan ang sangbahayan ni Achab na iyong panginoon, upang aking ipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat na lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezabel. 8 Sapagka't ang buong sangbahayan ni Achab ay malilipol: at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't batang lalake, at ang nakulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel. 9 At aking gagawin ang sangbahayan ni Achab na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia. 10 At lalapain ng mga aso si Jezabel sa putol ng lupa ni Jezreel, at walang maglilibing sa kaniya. At kaniyang binuksan ang pintuan, at tumakas.
11 Nang magkagayon, nilabas ni Jehu ang mga lingkod ng kaniyang panginoon: at sinabi ng isa sa kaniya, Lahat ba'y mabuti? bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo? At sinabi niya sa kanila, Inyong kilala ang lalake at ang kaniyang pananalita. 12 At kanilang sinabi, Kabulaanan nga; saysayin mo sa amin ngayon. At kaniyang sinabi, Ganito't ganito ang sinalita niya sa akin, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Pinahiran kita ng langis upang maging hari sa Israel. 13 Nang magkagayo'y sila'y nangagmadali, at kinuha ng bawa't isa ang kaniyang kasuutan, at inilagay sa ilalim niya sa ibabaw ng hagdan, at humihip ng pakakak, na nagsasabi, Si Jehu ay hari.