16 At nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel, noong si Josaphat ay hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda. 17 Tatlongpu't dalawang taon ang gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing walong taon sa Jerusalem. 18 At siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't ang anak ni Achab ay kaniyang asawa: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon. 19 Gayon ma'y hindi giniba ng Panginoon ang Juda, dahil kay David na kaniyang lingkod gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya na bibigyan siya ng isang ilawan sa ganang kaniyang mga anak magpakailan man.
20 Sa kaniyang mga kaarawan ay nanghimagsik ang Edom na humiwalay sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Juda, at naghalal sila ng hari sa kanila. 21 Nang magkagayo'y nagdaan si Joram sa Seir, at ang lahat niyang mga karo na kasama niya: at siya'y bumangon sa gabi, at sinaktan ang mga Edomeo na kumubkob sa kaniya, at ang mga punong kawal ng mga karo; at ang bayan ay tumakas sa kanilang mga tolda. 22 Sa gayo'y nanghimagsik ang Edom sa kamay ng Juda, hanggang sa araw na ito. Nang magkagayo'y nanghimagsik ang Libna nang panahon ding yaon. 23 At ang iba sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda? 24 At si Joram ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.